Una sa Balita

Duterte maglalabas ng EO kontra inflation

By
0 693

MAGLALABAS ng exe­cutive order (EO) si Pa­ngulong Rodrigo Duterte para malutas sa lalong madaling panahon ang problema sa pagsirit ng presyo ng mga bilihin sa bansa.

Nabatid na gumagawa na ang mga economic manager ng mga hakbang para malutas ang problema sa inflation.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na gagawing basehan ito sa ilalabas na executive order para sa non-tariff barriers at mga administratibong balakid sa pagtiyak ng sapat na suplay ng bigas sa bansa.

Kabilang umano sa anti-inflation measures ay gawing simple ang proseso sa pag-aangkat ng bigas ng National Food Authority (NFA) at ang pag-apruba sa rice tariffication bill na nakasalang sa Kongreso.

Pinasisimplehan din ang proseso sa pag-angkat ng asukal at pagpapahusay sa paraan ng pagbiyahe sa mga produktong agrikultura kabilang na ang pagbabawal na sa mga checkpoint sa mga biyahero ng pagkain.

May long term measures din na binabalangkas ang Economic Cluster ng gabinete at isusumite nilang lahat ito kay Pangulong Duterte sa lalong madaling panahon.