Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Duterte legacy sa PCOO

0 153

Minsan pang napatunayan na ang epektibong komunikasyon ang susi sa matagumpay na kuneksiyon ng gobyerno sa mamamayan.

Sa pamamamagitan ng Presidential Communications Operations Office (PCOO), matagumpay na naihatid ng Duterte Administration ang mensahe ni Pangulong Rodrigo Duterte sa sambayanan, partikular ang mga ginagawa ng kanyang gobyerno simula sa kanyang mga adhikain, mga ginagawang pagbabago para sa bayan, pati na sa pagtugon sa kinakaharap na pagsubok ng COVID-19 pandemic.

Limang taon na po ang nakaraan matapos simulan ng aking tanggapan ang mga reporma sa komunikasyong pang-gobyerno at nakikita na ngayon ang bunga ng mga pagbabagong ito sa pamamagitan ng positibong kaalaman ng mamamayan.

Patunay dito ang nananatiling mataas na approval rating ni Pangulong Duterte dahil sa mga makatotohanang impormasyong ibinabahagi sa publiko ng communications arm sa gobyerno.

Sa pagsisimula pa lamang ng Duterte administration ay agad nating sinimulan ang pag-upgrade at rehabilitasyon ng mga pasilidad ng gobyerno sa larangan ng komunikasyon dahil napaglipasan na ng panahon ang mga dinatnan nating mga kagamitan at hindi magiging epektibo ang paghahatid ng impormasyon kung pupugak-pugak ang mga ito.

Sinimulan po natin ito sa pamamagitan ng pagbili ng mga bago, moderno at high tech na kagamitan at paglulunsad mg media platforms sa lahat ng mga ahensiyang nasa ilalim ng PCOO.

Sa pamamagitan ng internet, naisulong ng ating tanggapan ang mga programa ng gobyerno na mag-iiwan ng tatak sa puso ng mga Pilipino sa mga ginagawang Tapang at Malasakit ng Duterte administration.

Malaki ang bentahe sa paggamit ng teknolohiya ng administrasyon dahil madaling naipaabot sa publiko ang mga mahahalagang impormasyon sa mga ginagawa at mga programa, maliit man o malaki, mga serbisyo publiko hanggang sa mga malalaking proyekto sa ilalim ng Build,Build,Build program.

Pero hindi lamang po mga Pilipino ang narating ng mga impormasyong ito dahil maging ang international community at mga kaalyadong dayuhan ay nalalaman na ang mga magagandang ginagawa ng Duterte administration at hinahangaan ang determinasyon ng gobyerno sa pagsusulong ng mga pagbabago sa buhay ng mga Pilipino.

Pero gaya ng kasabihang “ang punong hitik sa bunga ay madalas binabato”, hindi po nakaligtas ang ating media platforms sa mga batikos at paninira ng mga galit sa gobyerno dahil sa nakikitang magagandang ginagawa ng Duterte administration.

Pero hindi po natinag ang PCOO at mga ahensiyang nasa ilalim nito, bagkus ay lalo pang pinalakas at pinaigting ang paghahatid ng mga makatotohanang balita at impormasyon na nagbigay ng inspirasyon sa mamamayan para aktibong makilahok sa kanilang komunidad.

Hindi lamang po ang pagpapaganda at pagpapalakas sa mga pasilidad ang ginawa natin sa PCOO kundi tayo rin ang nagsulong para mapirmahan ang Freedom of Information (FOI) sa ilalim ng Executive Order No. 2 noong 2016 kung saan madali na ang pag-access sa mga data at impormasyon sa ilalim ng ehekutibo, at alinsunod ito sa adhikain na transparency ng Duterte administration.

Related Posts

Sa pamamagitan ng Radio -Television Malacañang (RTVM), live at real time na napapanood ng sambayanan ang mga mensahe ni Pangulong Duterte, mula sa kanyang mga State of the Nation Addresses (SONA), media interviews, talumpati sa kanyang mga pampanguluhang aktibidad at sa kanyang regular “Talk to the People”, na isinasahimpapawid sa lahat ng istasyon ng radyo at telebisyon ng gobyerno, gayundin sa mahigit siyamnapung social media pages ng Philippine Information Agency; bukod pa rito ang hook-ups ng mga pribadong media para maisapubliko sa buong bansa at sa ibayong dagat ang mga pahayag ng Presidente.

Malaki ang ginagampanang papel ng ating tanggapan ngayong panahon ng pamdemya dahil sa pamamagitan ng PCOO ay naipapaabot sa publiko ang mga ginagawang aksiyon at pagtugon ng gobyerno sa problema sa COVID-19 sa pamamagitan ng Laging Handa Crisis Communications Center.

Ang mga programang Laging Handa Public Briefing, Cabinet Report, Network Briefing News, CORDS X Podcast, Laging Handa Dokyu, virtual pressers at iba pa ay ilan lamang sa mga programa para mabigyang-diin ang mga ginagawa ngayon ng gobyerno at aksiyon sa paglaban sa pandemic at sa vaccine rollout para mabigyan ng proteksiyon ang mga Pilipino laban sa peligro ng COVID-19.

Aktibo rin po ang ating tanggapan sa paggawa ng mga dokumentaryo na nakasentro sa mga programa ng gobyerno, gaya ng VAXplainer, Laging Handa Dokyu na umani ng pitong malalaking parangal sa bansa at maging sa international award-giving bodies.

Nakakataba ng puso na kinikilala ang mga ginagawa at programa ng ating tanggapan, kaya naman ang PCOO ay hindi titigil sa pagsusulong ng mga programa at mga proyekto para mas mapaigting pa ang magandang komunikasyon ng gobyerno para sa mga Pilipino.

Aasahan po na mas marami pang mga pagpapalakas ang ating gagawin para maihatid ang mga tamang impormasyon, partikular dito ang isinusulong na Government Communication Academy, Visayas Media Hub, mga bagong gusali sa regional offices ng Philippine Information Agency, rehabilitasyon ng government radio stations at iba pa.

Nauna na po nating natapos ang Mindanao Media Hub sa Davao City na nagseserbisyo na at naghahatid ng mga makabuluhang impormasyon at mga programa ng gobyerno para sa mga mamamamayan ng Mindanao Region.

At para masigurong maipatupad ang lahat ng ito, personal ko pong iniikot at binibisita ang mga isinusulong nating mga proyekto at inaalam ko na rin ang sitwasyon ng government media para maibigay kung ano ang mga pangangailangan para sa mas maayos na paghahatid ng serbisyo publiko.

Ang pundasyon po ng isang matatag na gobyerno ay mula sa itaas na bahagdan hanggang sa mga mamamayang nasa liblib na bahagi ng Pilipinas kaya mahalaga po ang #InformInformInform para malaman at maintindihan ng sambayanan na ginagawa lahat ni Pangulong Duterte ang lahat ng makakaya para maipaabot at matugunan ang mga problema ng bansa lalo na sa mga mahihirap na sektor.

Sa tulong po ng mga ahensiyang nasa ilalim ng PCOO, partikular ang PIA, Philippine News Agency (PNA), Philippine Broadcasting Service (PBS), People’s Television Network (PTV), at Bureau of Communications Service (BCS), sisiguraduhin po natin na maihatid sa mamamayan ang mga impormasyong kailangan nila patungkol sa mga ginagawa ng gobyerno para sa pagbabago.

Makakaasa po kayo na lahat ng mga hakbang at programa ng PCOO ay magtutuloy-tuloy hanggang sa pagtatapos ng termino ng Pangulo at iiwang pamana sa mga Pilipino ang Tapang at Malasakit ng Duterte administration.

Leave A Reply

Your email address will not be published.