Una sa Balita

Duterte legacy ibibida sa ika-4 na SONA

0 3,316

ITINUTURING ng Malacañang na ang ika-apat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pinaka-importante at dapat na abangan ng mga Pilipino ngayong Lunes, Hulyo 22.

Sinabi ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar na nangalahati na ang Pangulo sa kanyang termino kaya’t aasahang ilalatag nito ang mga plano para sa bansa at sambayanan sa huling tatlong taon ng kanyang termino.

Pero kailangan din aniyang ireport ng Pangulo ang mga nagawa nito sa loob ng nakalipas na tatlong taon.

Kung iisa-isahin ang mga nagawa ng Presidente sa nakalipas na tatlong taon ay tiyak na aabutin ng gabi ang SONA kaya inilunsad ng PCOO ang pre-SONA activities sa Manila, Cebu City at Davao City noong nakalipas na dalawang linggo.

“This is about legacy building. I call it the Duterte legacy. The Duterte legacy for the next three years will center around poverty alleviation, imprastruktura at peace and order,” ani Andanar.

Target ng Duterte administration na maibaba ang antas ng kahirapan ng hanggang 14% mula sa 21% at maiparamdam sa mga Pilipino ang pag-angat ng ekonomiya.

Sa aspeto ng imprastruktura, maraming nakalinyang mga major project ang Duterte administration na inaasahang magpapabago sa buhay ng mga Pilipino, sa pamamagitan ng dagdag na trabaho at mabilis na biyahe ng mga kalakal at ng mamamayan.

Batay sa record ng Build, Build, Build program, 75 malalaking proyekto ang nakalinyang ilarga ng Duterte administration kabilang na dito ang mga railway, subway, flyover, mga tulay at railway sa Mindanao.

Inaasahang nasa 28-35 na proyekto ang matatapos bago matapos ang termino ng Pangulo sa 2022 at ang matitirang proyekto ay nasa susunod na Presidente na kung itutuloy o hindi.

Matatandaang naging usap-usapan sa social media at maging ng mga kritiko at oposisyon ang naging pahayag ni Pangulo Duterte na aabot na lamang sa limang minuto ang biyahe mula Cubao hanggang Makati City.

Pero sinabi ng Palasyo na hintayin na lamang kung matutulad ito sa sandaling matapos ang mga ginagawang proyekto ng gobyerno.

Sari-sari ang pananaw ng publiko, mga politiko at maging ng mga kritiko ni Pangulong Duterte kung ano ang aasahan sa SONA nito sa Lunes kaya hinimok ng Malacañang ang sambayanan na samahan sila na makinig sa mga sasabihin ng Presidente.

“It is very important for every Filipino not only the 85% of the Filipinos who trusts the President; not only the 80% who are satisfied with the performance of the President, but including those Filipinos who disagreee with the President; the minority, the 3% and perhaps those who are undecided. This Monday will be the day that you will know the future and how the future will look like in the Philippines,” dagdag pa ni Andanar.

Isa sa mga adhikain ng Pangulo na nais nitong malutas ay ang isyu ng peace and order kaya’t aasahang bibigyang-diin ni Pangulong Duterte sa kanyang SONA ang mga ginagawa ngayon ng kanyang admi­nistrasyon para matigil na ang insureksiyon at mapapayag ang kilusang komunista sa pamamagitan ng National Task Force na tapusin na ang armed conflict.

Aasahan ding babanggitin ni Pangulong Duterte sa kanyang SONA ang isyu sa China kung saan naging mainit noong nakalipas na buwan dahil sa insidente sa Recto Bank sa Palawan na naging pagkakataon ng mga kritiko para bakbakan siya sa mga isyung nakapaloob sa agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea.

Kung ang mga nakalipas na SONA ay naging kaabang-abang hindi dahil sa laman ng talumpati ng Presidente, kundi sa mga bisita at mga politikong dumadalo sa okasyon, ngayong Lunes ay aasahan umano ang pagiging simple ng SONA sa kabuuan.

Mula sa simpleng kasuotan ay posibleng makakita ng mga bisitang nag-recycle ng kanilang kasuotan dahil sa naging utos ni Pangulong Duterte na gawing simple at iwasang maging fashion show ang okasyon.

Mas matutuwa ang Pangulo kung isama sa okasyon ang kulturang Pilipino na paggamit ng Barong Tagalog at Filipiniana, tulad ng ginagawa sa Thailand, Indonesia at Cambodia na tuwing mayroong pambansang aktibidad ay isinusuot nila ang kanilang national costume. (Aileen Taliping)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy