Una sa Balita

Duterte kill order kay Espenido tinukuran

0 580

IPINAGTANGGOL ni Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III ang binitiwang utos ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Police Lt. Col. Jovie Espenido na patayin lahat ng mga sangkot sa droga sa Bacolod City.

“Ako naintindihan ko agad ‘yun kasi ‘pag galit ka kay presidente ang iisipin mo agad kriminal. Kung ikaw neutral ka alam mo na ibig sabihin, yung mga lumalabag sa batas at nagreresist ng arrest ayaw pahuli okay lang na patayin mo,” komento ni Sotto.

Dahil umano sa utos ng Pangulo sa bagong destinasyon ni Espenido, nag-alisan na umano ang mga drug personality sa Bacolod at lumipat ng Iloilo.

“Nag-aalisan daw agad, naglipatan sa Iloilo,” ani ni Sotto.

Samantala, binalaan naman ni Interior Secretary Eduardo Año ang mga awtoridad na istriktong sundin ang pagpapatupad ng batas, matapos na atasan ng Pangulong Duterte si Espenido na patayin ang lahat ng drug suspect sa Bacolod.

Si Espenido ay itinalaga bilang deputy city director for operations sa Bacolod police kasabay nang kautusan ng Pangulo na patayin nito ang mga drug suspect na laganap sa lalawigan ng Negros Occidental.

“Alam mo naman ang Pangulo, mahilig siyang mag-exaggerate para lang to emphasize a point. Pero literally hindi naman iyan ganyan, kasi hindi naman puwedeng patayin mo lahat ng tao d’yan na gusto mong patayin,” giit ni Año sa panayam sa radyo.

“Gamitan mo lang iyan ng reasonable force, ‘pag talagang mag-resist at luma­ban at you are in danger… We have to follow the rule of law. Some drug lords in Bacolod and the nearby provinces of Cebu and Iloilo have become politicians or have established contacts with the police,” payo pa ng DILG chief.

Magugunitang si Espenido ay naging tanyag dahil sa pangunguna nito sa anti-narcotics operation na nagresulta sa pagpatay kay Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog at sa misis nito noong Hulyo 2017.

Siya rin ang police chief sa bayan ng Albuera sa Leyte, kung saan napatay ang dating alkalde na si Rolando Espinosa Sr. sa loob ng kanyang kulungan makaraang ihain ang ‘search warrant’ laban sa kanya at humantong sa barilan. (Dolly Cabreza)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy