Una sa Balita

Duterte kay Lucio Tan: Libreng biyahe ng OFWs sa PAL ‘sweety-sweety’ uli tayo

By
0 2,896

Pagkakataon na nga­yon ng business tycoon na si Lucio Tan na maibalik ang maayos na pagtingin sa kanya ni Pangulong Rodrigo Duterte subalit kailangang tumbasan niya ito ng serbisyo publiko, partikular sa mga overseas Filipino worker na gusto nang layasan ang mga abusado nilang amo sa Kuwait.

Sa kanyang press conference sa Davao City nitong Biyernes ng gabi, sinabi ng Pangulo na hihilingin niya sa Philippine Airlines (PAL) at sa karibal nitong Cebu Pacific na iuwi ang mga OFW na nagnanais umuwi mula sa Kuwait sa loob ng 72-oras.

Si Tan ang chairman at chief executive officer ng PAL.

Noong nakaraang taon ay binantaan ito ni Pangulong Duterte na ipasasara ang runway ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) para hindi magamit ng mga eroplano ng PAL dahil sa kabiguan ng kompanya na bayaran ang matagal nang pagkakautang sa pamahalaan na mahigit P6 bilyon mula sa navigational fees at iba pang bayarin.

Binigyan ng Pangulo ng 10 araw ang kompanya ni Tan para ayusin ang obligasyon nito sa pamahalaan at napilitan itong magbayad.

“Now kung gusto ni Lucio Tan na sweety-sweety kami eh ‘di magpadala siya ng limang eroplano doon (Kuwait). Pagkatapos libre doon pa ako magkain sa kanya bukas ng gabi,” pahayag ng Pangulo.

Sinabi pa ni Pangulong Duterte na siya lang ang tanging presidente ng bansa na nagawang pagbayarin si Tan sa halos tatlong dekada nang pagkakautang ng PAL sa gobyerno.Noong Oktobre 2017 binayaran ni Tan ang P6 bilyon mula sa P7.3 bilyon na pagkakautang ng PAL sa pamahalaan.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy