Una sa Balita

Duterte kay Duque: Measles outbreak awatin

By
0 418

INATASAN ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Department of Health (DOH) na palakasin ang kampanya ng immunization program ng pamahalaan.

Sa harap na rin ito ng report na nakarating sa Pangulo na nagkaroon ng measles outbreak sa Metro Manila, Cagayan, ilang lugar sa Central Luzon at maging sa Bicol region.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na kaila­ngang makumbinsi ang mga magulang na magtiwala sa immunization program ng pamahalaan.

“The President ordered a vigo­rous campaign to promote the complete immunization for children,” ani Panelo.
Nag-iwan ng takot sa mga magulang ang kaso ng dengvaxia anti-dengue vaccine kaya ayaw ng pabakuhanan ang kanilang mga anak.

Karamihan sa mga biktima ng tigdas ay mga bata na nauuwi sa kumplikasyon kapag hindi agad naagapan ng mga espesyalista.

Mula sa kabuuang bilang na 4,000 noong 2017, lumobo sa 21,000 ang nagkaroon ng tigdas noong 2018 dahil sa maraming bata ang hindi nabakunahan. Nitong Enero 2019, pumalo na sa 1,504 ang nagka-tigdas.

Matandaang mismong si Pa­ngulong Duterte ang nanawagan sa mga magulang noong nakalipas na linggo na pabakunahan ang mga anak at huwag matakot para na rin sa kaligtasan ng mga bata at sanggol.

Ginawang halimbawa pa ng Presidente ang sakit na polio na magiging panghabambuhay na dusa kapag hindi pinabakunahan ang mga bata.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More