Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Duterte kay Duque: Dedmahin mo COA

0 223

Ipinagtanggol muli ni Pangulong Rodrigo Duterte si Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III kaugnay sa kontrobersiyang kinakaharap ng kanyang ahensiya sa isyu ng P67.3 billion deficiencies sa inilabas na report ng Commission on Audit (COA).

Sa ‘Talk to the People’, sinabi ng pangulo kay Duque na huwag masyadong pagtuunan ng pansin ang COA report dahil tatlong beses na rin aniyang nangyari sa kanya ang ganitong sitwasyon na nag-iiwan ng negatibong impresyon sa publiko.

Umabot aniya hanggang sa Korte Suprema ang isyu niya sa COA at naipanalo niya ang demandang isinampa laban sa kanya.

“Do not put so much importance ‘yong ano, ‘yan bang matter of course ‘yong kanila. Ako mismo, tatlong beses na ako naano. Hindi sila makahintay, you know, papers, bureaucracy takes very long and sometimes the documents are deficient,” anang pangulo kay Duque.

Batid ng pangulo na gusto ng mag-resign ni Duque subalit tatanggihan aniya nito ang kanyang pagbibitiw.

“Alam ko gusto mo nang mag-resign pero alam mo rin na tatanggihan kita ngayon. Noon you have attempted to resign twice. I expect you to say something to me after this, mag-resign ka. Sabihin ko sa’yo hindi, wala ka namang ginawang masama,” dagdag ng Pangulo.

“Bakit ka mag-resign? If you find that there is–mga nawala diyan, eh ‘di magdemanda kayo, punta ng Supreme Court. The Supreme Court will be a fair arbiter of things,” wika ng pangulo.

Binatikos rin ni Duterte ang mga auditor ng COA dahil sa paglalabas ng report na tila lumilitaw na ninakaw ng isang ahensiya ang pera at nag-iiwan ng impresyon sa publiko na mayroong bahid ng korapsiyon ang audit reports.

Pinagsabihan ng presidente ang COA na tigilan ang pag-flag ng audit sa mga ahensiya at hayaan munang matapos ang project bago gawin ang taunang auditing process.

“Stop that flagging. You make a report do not flag. Do not publish because it would condemn the agency or person that you are flagging,” dagdag ng pangulo.

Binilinan din ni Duterte ang kanyang mga gabinete na huwag pansinin ang COA audit reports.

“Don’t follow COA nothing happens anyway. That’s what I don’t like, that flagging,” wika pa ng pangulo. (Aileen Taliping)

Leave A Reply

Your email address will not be published.