Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Duterte kay Briones: Face-to-face class hindi uubra

0 238

Tinabla ni Pangulong Rodrigo Duterte ang hirit ng Department of Education (DepEd) na pilot testing ng face-to-face classes sa dara­ting na pasukan.

Sa kanyang lingguhang ‘Talk to the People’, sinabi ng Pangulo kay DepEd Secretary Leonor Briones na hindi nito maaaring isugal ang kalusugan ng mga estudyante dahil nananatili ang banta ng COVID-19 sa bansa, idagdag pa ang banta ng mababagsik na variants gaya ng Delta variant.

“Dito sa face-to-face, I think I am not inclined to agree with you. I’m sorry but mahirap. I cannot gamble on the health of the children,” anang Pangulo.

Hangga’t hindi aniya nababakunahan lahat ang target na populasyon ay hindi pa maaaring gawin ang face-to-face classes ng mga estudyante.

Sinabi ni Pangulong Duterte na maraming bakunang binili ang gobyerno at kung sumobra ito ay maaa­ring gamitin sa mga estud­yanteng pasok ang edad sa mga maaaring mabigyan ng COVID vaccine.

Malugod namang tinanggap ni Secretary Briones ang desisyon ng Pangulo na wala munang face-to-face lalo na kung ang makokompromiso ay ang kaligtasan at kalusugan ng 27 milyong mga estudyante sa bansa.

“We are withdrawing our request in light of your decision and we accept fully your decision, which is a very well-informed decision, If I may say so,” ani Secretary Biones. (Aileen Taliping)

Leave A Reply

Your email address will not be published.