Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Duterte inawat, Roque kinasa kay Carpio

0 83

Pinigilan ng mga miyembro ng gabinete si Pangulong Rodrigo Duterte na makipagdebate kay dating Supreme Court (SC) Associate Justice Antonio Carpio sa isyu ng West Philippine Sea (WPS).

Ito’y matapos na hamunin ng Pangulo si Carpio para sa isang debate sa kanyang Talk to the People noong Miyerkoles ng gabi.

Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na handang-handa ang Pangulo na makipagdebate subalit pinayuhan ng kanyang gabinete na walang mabuting idudulot ito sa sambayanan.

Maging sina Senate President Vicente `Tito’ Sotto III at Senador Aquilino `Koko’ Pimentel III aniya ay pinayuhan ang Pangulo na huwag ituloy ang debate.

Bukod dito sinabi aniya ng mga miyembro ng gabinete na hindi patas kung sakali ang debate dahil siya ang nakaupong Pangulo at ang makakadebate ay ordinaryong abogado na lamang ngayon.

Iniiwasan din aniya ng mga gabinete na makompromiso ang mga polisiya ng gobyerno sa posibleng mga sasabihin ng Pangulo lalo na ang mga bagay na hindi dapat isapubliko o tinatawag na executive privilege.

“Sinabihan ang ating Presidente ng mga miyembro ng gabinete na napakahirap mag-participate ang Presidente sa ganyang debate. Bakit po? Kasi nakaupo pa siyang Presidente. At lahat ng masasabi ng Presidente doon sa debateng `yon ay makakaapekto sa mga polisiya ng gobyerno. Hindi na mababawi ang pupuwedeng sabihin ng Presidente sa debateng `yon,” paliwanag ni Roque.

Sinabi pa ni Roque na siya ang itinalaga ng Palasyo para makipagdebate kay Carpio at tinanggap naman niya ito.

“Ang sabi ni Presidente itinatalaga n’ya po ang inyong abang lingkod na makipagdebate kay retired Justice Antonio Carpio at tinanggap ko naman ang pagtatalaga ng Presidente,” ani Roque.

“Sabihin lang ng Philippine Bar Association kung kailan, saan ang debate at sisipot po tayo roon. Pero ang pagdedebatehan po malinaw, unang-una una sino ang responsable sa pagkawala ng teritoryo ng Pilipinas? Si Presidente Duterte ba o ibang administrasyon?” ani Roque.(Aileen Taliping/Prince Golez)

Leave A Reply

Your email address will not be published.