Una sa Balita

Duterte handang bumagsak sa pagbira sa mga pari, obispo

By
0 547

HINDI natatakot si Pa­ngulong Rodrigo Du­terte sa anumang ­magiging epekto ng ginagawa ­nitong pagbanat sa Simbahan partikular na sa mga pari at obispo.

Sa harap ito ng mga maaanghang na paha­yag ng Pangulo kagabi sa isang aktibidad nito sa Bulacan kung saan sinabi nitong maraming baklang pari at obispo kaya dapat magladlad na ang mga ito.

Sinabi ni Pangulong Duterte na batid niyang napakalakas ng impluwensiya ng Simbahan at wala pang politikong nakipag-away sa Vatican at sa Santo Papa.

“Alam mo ang ­history ng Simbahan, their influence was overwhelming talaga. No politician of recent memory makipag-away diyan sa Vatican pati si Pope, ­mahiya sila dito sa akin,” anang Pangulo.

Pero hindi aniya siya mapipigil na magsalita laban sa Simbahan ­dahil hindi siya ­tinitigilan ng mga pari at obispo gamit ang pulpito at sa mismong banal na misa.

Sinabi pa ng Pangulo na tatanggapin niya kung magiging dahilan ito ng kanyang pagbagsak, pagkamatay o pagkasira bilang politiko.

“Ako so be it. If it will cause my downfall, I will accept it. If I die or totally destroyed or discredited as a politician, that would be my destiny. Tanggap ko ‘yan kasi nakasulat yan dito lahat eh,” dagdag pa ng Pangulo.

Pinayuhan pa ng Presidente ang mga pari na kung gusto siyang batikusin, lumabas sa simbahan at huwag gamitin ang pulpito at sermon sa misa para atakihin siya dahil mayroong tinatawag na sepa­ration of Church and State.