Una sa Balita

Duterte gustong lusawin ang NFA

By
0 1,905

Pinag-aaralan pa ni Pangulong Rodrigo Duterte kung dapat nang buwagin ang National Food Authority (NFA) kasunod ng pagkaubos ng buffer stock ng murang bigas nito.

Ito ang ipinahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque matapos ang panawagan na buwagin na ang ahensiya at ilagay na lamang ang pangangasiwa sa Department of Agriculture (DA).

“Nagkasundo po ka­ming apat na Gabinete na huwag munang magkomento and we will allow the President to clarify for himself kung ano talaga ang posisyon diyan sa NFA. So I will not comment anymore on that. We will wait for clarifications from the President,” ayon kay Roque.

Gayunman, nilinaw ni Roque na ang NFA Council ay bahagi ng NFA at hindi hiwalay mula sa ahensiya.

Sa Presidential Decree na inisyu ng dating Pa­ngulong Ferdinand Marcos ay hindi hiwalay ang konseho mula sa NFA.

Nabatid na sa ilalim ng Presidential Decree No. 1770 kung saan pinalitan ang pangalan ng National Grains Authority (NGA) at ginawang NFA ay nakapaloob ang komposisyon ng NFA Council bilang policy-making body ng ahensiya.

Dahil dito, dapat na hintayin na lang umano ang gagawing paglilinaw ni Pangulong Duterte kung ano talaga ang gusto niyang mangyari sa NFA.

Samantala, inayunan ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang pagbuwag NFA Council para matugunan ang kasalukuyang problema sa ­supply ng murang bigas.

“Personally, I think we don’t need such as council. We already have an NFA Administrator. Now, if he would only do his job I don’t think we would have any problem (on rice supply),” pahayag ni Alvarez sa isang radio interview kahapon.