Una sa Balita

Duterte binuweltahan ang mga raliyistang Pinoy

By
0 1,678

BINUWELTAHAN ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte ang ilang militanteng grupong nagdaos ng kilos protesta sa kanyang pagbisita sa Hong Kong noong Huwebes.

Ayon sa Pangulo, kapag na-deport ang mga Pinoy na nag-rally sa Hong Kong ay hindi niya tatanggapin ang mga ito sa bansa.

Puro aniya dakdak at ingay lang ang mga ito pero kung tanungin kung ano ang nagawa nila para sa bayan ay wala namang maisagot.

“Sabi ko, ano man nagawa ninyo para sa ba­yan? Kaya ‘pag na-deport kayo, hindi ko rin kayo tatanggapin. P***** i**,” ayon sa Pangulo.

Ang mga militanteng Pinoy na nanguna sa kilos protesta bago ang pulong ni Pangulong Duterte sa Filipino community sa Kowloon ay pinangunahan ni Eman Villanueva ng Bagong Alyansang Makabayan na nakabase sa Hong Kong at Macau.

Bawal sa batas na sumali sa kilos protesta ang isang Filipino kung ito ay nasa ibang bansa, gayundin ang mga dayuhan na makilahok sa rally o pagkilos kapag nasa Pilipinas.

Matatandaang kasama ang mga militanteng grupo sa proklamasyong inilabas ni Pangulong Duterte na nagtatakdang ihanay ang mga ito sa listahan ng mga international terrorist kasama na ang mga miyembro ng kilusang komunista sa bansa.