Una sa Balita

Duterte balik-trabaho ngayon — Palasyo

By ,
0 3

Matapos ang limang araw na ‘pamamahinga’, back in action na nga­yong Sabado si Pangulong Rod­rigo Duterte.

Base sa ibinigay na abiso ni Special Assistant to the President Bong Go, si Pangulong Duterte ay tutungo ngayong araw sa Butuan City sa Agusan del Norte.

Ang Pangulo ay inim­bitahan umano ni Gov. Angel Amante-Matba na bumisita sa kanilang lalawigan noon pang Mayo.

Ito ang unang pagkakataon na makikihalubilo sa publiko si Pangulong Duterte sapul noong du­malaw siya sa burol ng walong sundalong namatay sa Marawi City noong Linggo ng gabi.

Noong Hunyo 12, si Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano ang humalili kay Pangulong Duterte sa flag raising ceremony sa Rizal Park kaugnay ng pagdiriwang ng ika-119 na Anibersaryo ng Kalayaan ng bansa.

Lumakas tuloy ang hinala ng ilang mambabatas na may sakit ang Pangulo dahil sa hindi ito nagpapakita sa publiko.

Upang ipakita sa publiko at sa mga mambabatas na walang sakit ang Pangulo, ipinakita naman ni Go nitong Huwebes ang litrato na kasama niya si Duterte sa isang kuwarto habang nakabukas ang isang television at isang kuha habang pumipirma sa mga dokumento.

Naglabas rin ang Palasyo ng litrato habang nasa Villamor Air Base sa Pasay City ang Pangulo bago lumipad patungong Davao City noong Huwebes.

‘DI KUMBINSIDO SA LITRATO

Para kay Sen. Panfilo Lacson, hindi sapat ang mga inilabas ng Malacañang na litrato ni Pangulong Duterte para sabihing maayos ang kondisyon ng kalusugan nito at walang malubhang karamdaman.

“The health of the president of any country is not his or his family’s private affair alone. It is a matter of public concern,” ayon kay Lacson.

“While I accept the explanation of Malacañang that he was tired and needed rest, the 4-day absence was a concern considering the current situation,” ayon naman kay Sen. Francis Pangi­linan.

Kaya, naniniwala ang senador na kung ang Pa­ngulo ay may karamdamang makakahadlang sa kanya para tuparin ang kanyang mga tungkulin bilang commander-in-chief at hindi dahil nagpapahinga lamang, ay nararapat lamang umanong malaman ng publiko ang katotohanan.

Samantala, kahapon ay inihayag din ni Chief Presidential Counsel Salvador Panelo na walang katotohanan ang mga kumakalat na ulat na may malubhang sakit si Pa­ngulong Duterte.