Una sa Balita

Durugin ang illegal recruiters

0 98

Laway lang ang puhunan ng mga illegal recruiter. Magagaling sila magsalita. Kapani-paniwala kaya marami sa ating mga kababayan ang nabibiktima.

Hindi rin lubos na masisisi ang mga biktima. Naghahangad sila at nangangarap ng magandang buhay para sa kanilang mga pamilya.

Ang makapagtrabaho sa ibang bansa ay isang paraan na nakikita nila para makaahon sa kahirapan at mabigyan ng magandang buhay ang pinakamamahal na pamilya.

Ang masaklap ay sinasamantala ng ilan ang kahinaang ito ng ibang kababayan natin. Ginawang raket, naging modus, at sindikato na ang illegal recruitment.

Matagal na panahon na silang namamayagpag. Subalit ngayong si Pangulong Rodrigo Duterte na ang umaksyon ay umaasa tayo na madudurog na rin ang mga sindikato ng illegal recruitment.

Hindi lamang ang mga nagre-recruit patungo sa ibang bansa kundi maging sa local employment.

Dapat din marahil pag-aralan ng Kongreso ang mga batas na may kinalaman sa illegal recruitment. Bigatan pa ang kaso at parusa laban sa gawaing ito.

Sa panig ng mga kababayan natin na naghahanap ng trabaho, ang maipapayo natin sa kanila ay maging maingat sa pakikipagtransaksyon, lalo na sa mga taong hindi pa ninyo gaanong kakilala.

Mabuting gawin ay makipag-ugnayan sa Department of Labor and Employment at Philippine Overseas Employment Administration para malaman kung totoong may trabaho sa lugar na inaalok sa inyo kapalit ng malaking halaga.