Una sa Balita

Duque pumalag sa pagsabit ni Garin

By
0 2,560

Pinalagan ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III na naging consultant siya ni dating Health Secretary Janette Garin.

Ito ang tinuran ni Duque kasunod ng ulat na kinuha umano siya ni Garin upang maging consultant nito noong taong 2015.

Iginiit ni Duque na walang katotohanan ang naturang ulat at sinabing nanungkulan lamang siya bilang chairman ng isang komite na sasala sa mga nominasyon para sa undersecretaries, assistant secretaries at board members ng mga specialty hospitals dahil siya ay dating pinuno ng Civil Service Commission at hindi rin siya tumanggap ng kompensasyon mula rito.

Ayon pa kay Duque, limi­tado lamang ang kaniyang partisipasyon sa pagsala ng mga nominado, at hindi siya nasangkot kailanman sa anumang policy making decisions noong panahong kalihim pa ng DOH si Garin.

Sinabi pa ni Duque na ang kaniyang tungkulin ay walang kinalaman sa desi­syon ni Garin nang bumili ang kagawaran ng Dengva­xia para sa dengue immunization program na nagsimula noong Marso 2016.

Samantala, sinabi­ ni Duque na ang imbes­tigasyon ng DOH sa Dengvaxia ay mas naka­tutok sa mga isyung may kinalaman sa mahigit 830,000 kabataan na nabakunahan ng Dengvaxia.