Una sa Balita

Duque nagbabala sa paggamit ng tawa-tawa kontra dengue

0 721

BINIGYAN ng babala ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III ang publiko laban sa paggamit ng mga herbal at food supplements, tulad ng tawa-tawa capsules at powder na sinasabing nakakatulong para labanan ang sakit na dengue, na ipinagbibili ngayon sa merkado at mga online store.

Sinabi ni Duque, sa ginanap na pulong balitaan na dapat na kalimutan na ng publiko ang pagbili ng mga naturang produkto, lalo na kung hindi naman ito rehistrado o walang certificate of pro­duct registration (CPR) mula sa Food and Drugs Administration (FDA).

Sinabi pa ni Duque na dapat na maging mapanuri ang publiko at kaagad na isumbong sa FDA hotline sa sandaling may makita silang iligal na nagbebenta ng mga anti-dengue supplement.

“…kung wala po siyang ganu’n (CPR), kalimutan na po ninyo. O siguro, isangguni sa FDA hotline para isumbong kasi itong mga ibinebentang ito na kung food supplement ay sumasailalim po ‘yan sa regulatory quality ng FDA,” ani Duque.

Hindi umano dapat kaagad na paniwalaan kung may maririnig silang nagsabi na gumaling sila sa paggamit ng tawa-tawa.

Sinabi ng kalihim na dapat na tandaan ng mga mamamayan na ang 99.6% ng dengue cases ay gumagaling naman at tanging 0.4% ang namamatay.

“…So ito namang tawa-tawa, ang sinasabi ng Department of Science and Technology (DOST) ay mukhang meron silang resulta ng kanilang pananalisik na nagpapakita na puwedeng makatulong sa pagpapataas ng platelets ang tawa-tawa,” ayon sa Kalihim.

“…Pero gusto ko lang isipin ninyo, na kapag may nagsabi na dahil sa tawa-tawa ay siya ay gumaling, we have to take this with a grain of salt. Why do we say that? Remember, in dengue, 99.6% will recover. Only 4% will die, sadly. A great majority will recover, so if they drank tawa-tawa…. you have to understand the background na 99.6% will recover,” dagdag pa ni Duque.

Samantala, nalaman na pumalo na sa 720 ang bilang ng nasawi sa dengue at nasa 167,607 ang naitala ng kaso ng dengue sa bansa mula Ene­ro hanggang Hulyo 27,2019.

Nanawagan naman si Duque sa publiko na maging alerto para hindi mabiktima ng lamok may dalang dengue virus. (Juliet de Loza-Cudia)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy