Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Duque humirit pa ng P10B dagdag sa P127B budget

0 135

Humihiling pa ng dagdag pondo si Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III sa Kamara para sa Health Facilities Enhancement Program (HFEP).

Matatandaang sinuspinde noong Lunes ang pagdinig sa budget ng DOH matapos na hindi masagot ng mga opisyal nito kung paano ginugugol ang pondo sa ilalim ng HFEP sa kabila ng taunang alokasyon para dito.

Ayon kay Duque, nagsumite sila ng P45 billion proposal para sa HFEP sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP).

Gayunpaman, nasa P4.7 billion para sa equipment at medical transport at P5.5 billion lamang ang inaprubahang alokasyon ng Department of Budget and Management (DBM) para sa programa kaugnay sa pagtatayo ng mga health facility sa mga lalawigan.

Nababahala si Duque na ang naturang tapyas sa budget sa ilalim ng HFEP ay makakaapekto sa COVID-19 response at sa implementasyon ng Universal Health Care (UHC) Law sa maraming lugar sa bansa.

Dahil dito, hiniling ni Duque sa mga kongresista na dagdagan ng P10 bilyon ang pondo sa HFEP para sa susunod na taon.

Samantala, nabatid naman na aabot lamang umano sa P2.5 bilyon ang pondong inilaan ng DOH para sa COVID-19 vaccine sa 2021.

Sinabi ni Health Undersecretary Myrna Cabotaje na sa P2.5 bilyong alokasyon, target na bakunahan ang mga vulnerable sector katulad ng mga medical frontliner, barangay health worker at mga kabilang sa indigent group katulad ng mga matatanda at mga maysakit.

Ito umano muna ang pondong ipinanukala para sa bakuna dahil mayroon aniyang scheme na maaaring umutang ang isang indibidwal sa Landbank para ma-cover ang iba pang mangangailangan ng bakuna.

Nabatid na ang kabuoang pondo na hinihiling ng DOH para sa susunod na taon ay umaabot sa P127 bilyon. (Eralyn Prado)

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.