Una sa Balita

Duque dumistansiya sa family corporation na kumabig ng gov’t contract

0 233

NANINDIGAN si Health Secretary Francisco Duque na hindi niya inabuso ang kanyang kapangyarihan para makakuha ng kontrata sa gobyerno ang kompanyang pag-aari ng kanilang pamilya.

“Sa aking mahabang serbisyo sa gobyerno, hindi ko kailanman binahiran, at ‘di ko kailanman babahiran ang magandang pangalang ipinamana sa akin ng aking ama,” pahayag ni Duque sa pagdinig ng Senate blue ribbon committee.

Nauna nang inakusahan ni Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson si Duque ng ‘conflict of interest’ nang makakuha ng kontrata sa Department of Health (DOH) ang Doctor Pharmaceuticals Inc. (DPI) na pag-aari ng pamilya ng kalihim.

Sa isyu naman ng pagrenta ng PhilHealth sa isang gusali sa Pangasinan na pag-aari ng Lyceum-Northwestern University sa ilalim ng Educational and Me­dical Development Corporation (EMDC) at pag-aari ng kanilang pamilya, ay hindi umano ‘disadvantageous’ iyon sa ahensiya.

Noong panahon umano ng lease period, si Duque ay nagsilbing chairman ng Civil Service Commission (CSC) sa ilalim ng Aquino administration. Bilang CSC chair, siya ay naging ex-officio member ng PhilHealth board.

Ayon kay Duque, lumapit diumano ang PhilHealth sa kanila para makapagrenta sa nasabing gusali.

Inabisuhan din umano niya noon si dating PhilHealth President Alexander Padilla tungkol sa pagrenta at nakita naman ng huli na walang mali sa transaksiyon.

“Walang conflict of interest dahil ang negosyo ng korporasyon ng pamilya — eskuwelahan, unibersidad — walang direktamenteng regulatory autho­rity ang PhilHealth or DOH,” ani Duque.

Wala din umanong conflict of interest sa tran­saksyon ng DPI sa gobyerno.
Paliwanag ni Duque, walang transaksyon ang DPI sa DOH kundi sa local government unit lamang.

Iginiit din ng kapatid ng kalihim na si DPI chairman Cesar Duque na wala silang kontrata sa DOH noong panahon na si Duque ang kalihim ng nasabing ahensiya.

(Dindo Matining)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy