Una sa Balita

Dump truck na nawalan ng preno, 3 patay

0 398

PATAY ang driver at dala­wang pahinante ng isang dump truck matapos na ito ay mawalan ng preno at bumulusok sa pababang bahagi ng Maharlika Highway sa Barangay Angeles, Atimonan, Quezon kamakalawa.

Ayon kay Supt. Osmundo Villanueva, director ng Quezon PNP, dead on-the-spot lahat ang mga biktimang sina Julie Boy Virtusio, 37, driver at residente ng Binan City; mga pahinanteng sina Mario Cristobal, 39, residente ng Sta. Rosa, Nueva Ecija at Edward Sta. Maria, 36, residente ng San Miguel, Bulacan.

Base sa report ng Atimonan police, patungong Bicol ang truck na kargado ng graba at tinatahak ang Atimonan diversion road dakong alas-5:10 nang umaga nang mawalan ito ng preno sa pababa at kurbadang bahagi ng naturang highway.

Bumangga muna ito sa mini park sa intersection ng kalsada kung saan nasalpok din nito ang isang nakahintong tricycle.

Sinagasa rin ng trak ang da­lawang nakaparadang motorsiklo bago sumalpok sa isang gusali na tinutumbok ng kurbadang highway.

Sa lakas ng impact, nagkayupi-yupi at nawasak ang una­hang bahagi ng truck at naipit ang tatlong biktima.

Umabot din sa halos dalawang oras bago nailabas sa napitpit na truck ang wala nang buhay na mga biktima.

Sugatan ding isinugod sa ospital ang driver ng tricycle na si Gilbert Villamiel.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy