Una sa Balita

Dugyot na Vitas slaughterhouse pasisiglahin ni Isko

0 325

Isasailalim sa rehabilitasyon ang dugyot na 22,000 square meters na Vitas Slaughterhouse sa Vitas, Tondo, Maynila.

Ang plano ay inihayag ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso, sa sorpresang pagbi­sita sa slaughter house kahapon ng alas-10:00 nang umaga.
“Alam ninyo ito ang kauna-una­hang pinakama­laking slaughterhouse sa buong Pilipinas, maganda ito noong araw pero ngayon tingnan ninyo, dugyot na, ‘yan ang Maynila ngayon,” ayon kay Domagoso.

“Sobrang dumi na, lima singko na nga ang mga langaw dito, tingnan ninyo ang paligid, sa loob ng limang taon naging ganyan na ito, dito kinakatay ang mga karne na ibinebenta sa mga palengke, tingnan niyo ang itsura diyan nanggaga­ling ang mga kinakain ninyo,” dagdag pa ng alkalde.

Ipinakita rin ni Moreno sa mga mamahayag ang gagawing development plan sa slaughterhouse na bukod sa lalaguan ng pasilidad sa animal care hol­ding area sa mga hayop, slaughterhouse, opisina sa mga empleyado at ang lugar para sa itata­yong pabahay sa lugar.

“Hopefully may awa ang diyos next year andito tayo ulit for ribbon cutting,” ani Moreno.

Lalagyan umano ng pabahay ang lugar para mabigyan ng mga tahanan ang mga mahihirap na naglagay ng mga barong-barong sa paligid, higit sa lahat ay iyong mga matansero na katuwang ng lokal na pamahalaan sa pagkatay ng mga hayop.

Gusto umano ni Domagoso na matiyak na magiging malinis ang mga karne na kakainin ng mga mamamayan ng Maynila.

Samantala, binanggit din ng alkalde na may pananagutan ang nakalipas na administrasyon ni dating Mayor Joseph ‘Erap’ Estrada sa lugmok na sitwasyon ng slaughterhouse.

“Past is past, but if you have liability administratively and (criminally), you will be held liable. Let the natural (course) of law… batas is batas,” ayon kay Domagoso. (Juliet de Loza-Cudia)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy