Una sa Balita

Dugo umagos sa Quiapo

By
0 121

Magkakasunod na napatay matapos na umano’y manlaban sa mga operatiba ng Manila Police District (MPD) sa isinagawang drug operation ang walong lalaking hinihinalang drug pushers sa serye ng drug ope­rations na inilunsad, kahapon ng madaling-araw sa Quiapo at iba pang magkakahiwalay na lugar sa Maynila.

Sa imbestigasyon ng MPD-homicide section, unang napatay ng mga tauhan ng MPD Station 7 ang mga suspek na sina Alexander Cuyugan, 40, at alyas ‘Jeje’ Reyes, kapwa residente ng Pilar Street, Barangay 199, Tondo sa isang buy-bust operation dakong ala-1:30 ng madaling-araw sa tahanan ng mga ito.

Bumili umano ng P300 halaga ng shabu ang isang police officer na umaktong buyer.

Gayunman bago pa man nadakip ang mga suspek ay nakahalata ang mga ito na pulis ang ka-transaksyon at nanlaban kaya’t napatay.

Sinabi ng ilang kaanak ni Cuyugan na matagal na nilang hinihikayat ang pamangkin na sumuko at itigil ang iligal na aktibidad pero tumatanggi ito at sa halip ay tinangka pa umanong gawing drug den ang kanilang tahanan.

Narekober mula sa mga suspek ang ilang plastic sachet ng shabu at dalawang .38 kalibre pistola.

Dakong alas-2:50 ng madaling-araw ikinasa ang buy-bust operation ng mga pulis ng Dagonoy Police Community Precinct (PCP) laban kay Ryan Eder, alyas ‘Buwaya’, 29, na umano’y No. 1 drug personality ng Barangay 767, Zone 83, sa Sta. Ana, Maynila at residente ng 1661 Estrada Street.

Bumili ang mga pulis ng P200 halaga ng shabu kay Eder ngunit nang aarestuhin na ito ay nanlaban at napatay.

Si Buwaya ay dati nang nakasuhan dahil sa pagnanakaw at tumanggi ring sumuko sa Oplan Tokhang kaya’t isinailalim na sa drug operation.

Narekober mula sa suspek ang pitong plastic sachet ng shabu, drug paraphernalia at isang .38 kalibre ng baril.

Samantala, limang lalaki naman ang magkakasunod na napatay ng mga pulis nang tangkain ng mga ito na tulungan ang isang drug pusher na kanilang kasama na unang napatay matapos na manlaban sa mga awtoridad dakong alas-6:45 ng umaga sa may Arlegui St. Quiapo, Maynila.

Nabatid kay Plaza Miranda PCP Police Chief Inspector John Guiagui, unang napatay ang suspek na nakilalang si Eddie Taruyan, 56, taga 919 Quezon Boulevard, Quiapo na kabilang sa drug watch list sa Barangay 385, ang siyang orihinal na target ng operasyon.

Nabatid na nanlaban ang suspek sa mga pulis kaya’t napatay ito sa loob ng kanyang tahanan.

Tinangka naman umano siyang tulungan ng apat pang suspek kung saan ang dalawa dito ay nakilalang sina Renato Diaz,  construction worker at Ronaldo Acebedo, ng Balagtas, Bulacan at 2 pa na hindi pa nakikilala na hinihinalang mga Muslim na sinasabing pawang kaanak rin ni Taruyan pero maging sila ay napatay ng mga awtoridad.

Nakuha ng mga awtoridad ang mga armas at apat na sachet ng shabu sa mga suspek.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy