Una sa Balita

Du30 dumistansiya sa amiyenda ng TRAIN Law

By
0 1,366

Ipinauubaya na ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte sa Kongreso ang pag-ami­yenda o pagsuspende sa tax reform law kasunod ng pagsirit ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo.

“Well, the law was enacted by Congress, I’ll leave it to Congress to decide whether or not to amend or suspend or modify the law,” pahayag ni Duterte sa ginanap na press conference sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), Terminal 2 bago siya umalis para sa kanyang opisyal na pagbisita sa South Korea mula Hunyo 3-5.

Sinabi ni Duterte na walang saysay kahit ano pa ang gusto niyang mangyari sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law, dahil ang Kongreso ang may kapangyarihan para umaksiyon at magpasiya sa batas.

Gayunman, iginiit ni Duterte na kailangan nang isulong ng gobyerno ang “Build, Build, Build” infrastructure program, para matugunan ang ki­nakailangan na paglago ng ekonomiya.

“There’s no value in giving much…of what I want. Because even if I say that we need it for the Build, Build, Build, I can’t do anything about it,” ayon kay Duterte.

Kung gusto umano ng Kongreso na suspendehin ang implementasyon ng nasabing batas ay wala siyang magagawa kundi sundin ang kanilang desisyon.

Isinabatas ni Duterte ang TRAIN Law para makalikom ng sapat na pondo sa pagpapatakbo ng bansa.

“We have, all the while, (been) having problems, inflation is always there. There are many reasons, but also actually one of them is the TRAIN (law). But I need money to run the country,” ayon kay Duterte.

Una nang nanawagan ang ilang mambabatas na suspendihin ang karagdagang excise tax sanhi ng implimentasyon ng TRAIN Law habang ang iba naman ay nanawagan na suspendihin ang buong batas kasunod ng tumataas na inflation rate.