Una sa Balita

DTI dapat alamin ang aktuwal na epekto ng TRAIN Law

By
0 728

Bukambibig nga­yon ng Department of Trade and Industry (DTI) na minimal o napakaliit lang ang epekto ng ipinatupad na Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.

Sa mga media interview mula kay Trade Secretary Ramon Lopez at kasamahan nito sa DTI ay paulit-ulit na sinasabi na minimal lang daw ang epekto ng TRAIN Law sa presyo ng mga bilihin sa bansa.

Batay sa computation ng DTI ay maliit lang ang dapat na itaas sa presyo na hindi lalampas sa 5 porsi­yento.

Pero kabaligtaran naman ang reklamo ng mamamayan dahil sinasabing napakalaking pagtataas sa presyo ng mga bilihin.

Dahil dito ay dapat na alamin mismo ng DTI ang aktuwal na nangyayari sa mga pamilihan.

Sa mga malala­king supermarket ay maaring tama ang DTI na maliit lang ang patong sa presyo pero paano na sa iba pang pamilihan na hindi namo-monitor ng gobyerno?

Maraming bilihin na nabibili sa palengke tulad ng kape, gatas, asukal, mantika at kahalintulad na produkto na mayroon sa supermarket.

Dapat ay ang mga taga-DTI ay subukang mamili sa mga lugar na sinasabing may pagtaas ng presyo para maparusahan ang mapagsamantalang negosyante kung meron man.

Wala tayong nariri­nig na salita mula sa Department of Agriculture (DA) para sa produktong pang agrikultura tulad ng gulay at karne na ayon sa mga mamimili ay tumaas na rin ang presyo.

Ang Department of Energy (DOE) ay hindi rin kumikilos at aktuwal na nagsasagawa ng inspeksiyon sa mga gasolinahan upang matiyak na hindi nasasamantala ng ilang negosyante ang TRAIN Law.

Dapat ay agad na kumilos ang mga kinauukulang ahensiya upang matigil agad ang mga pag-abuso ng ilang mapagsamantalang negosyante.

Kapag tumaas na rin ang singil sa pasahe ng mga pampublikong sasakyan ay tiyak na lalong aaray ang publiko lalo na ang mga mahihirap na mamamayan.