Una sa Balita

DRUG TEST SA 300 SPD COPS

By ,
0 5

Nasa 300 na mga tauhan ng Southern Police District (SPD) ang sumailalim sa mandatory drug test na isinagawa kahapon ng umaga sa Headquarters ng SPD sa Fort Boni­facio, Taguig City.

Ayon kay Supt. Jenny Tecson, tagapagsalita ng SPD, inuna sa surprise drug test ang mga tauhan ng District Anti-Illegal Drugs, Station Anti-Illegal Drugs at Station Operation Unit (DAID,SAID,SOU) na sakop sa pitong istasyon ng pulisya sa Parañaque, Pasay, Makati, Las Piñas, Muntinlupa, Taguig at sa bayan ng Pateros Police Station.

Sinabi ni Tecson na alas-nuwebe ng umaga nang simulan ng SPD Crime Laboratory ang mandatory drug test sa lahat ng mga personnel mula sa district headquarters hanggang PCP level.

Abante Hiring – IT dep

“Ito po ay maghapon na gagawin ng ating mga tauhan ng crime laboratory sa pagsasailalim ng drug test sa ating mga personnel” pahayag pa ni Tecson.

Aniya, mismong si SPD Acting District Director Sr. Supt. Tomas Apolinario Jr. ang nag-supervise at nagbantay sa pinto ng comfort room habang kinukunan ng mga tauhan ng crime laboratory ng urine sample ang mga pulis.

Maging ang mga pulis na buntis ay hindi rin pinalagpas sa isinaga­wang mandatory drug test sa SPD kung saan isang pulis at non-uniformed personnel (NUP) ang sumailalim din kahapon. Ma­ging si SPD Director Apolinario ay boluntaryo ring sumailalim sa isinaga­wang drug test.

Sinabi pa ni Tecson na ang mandatory drug test ay tatapusin sa loob ng limang araw.

Aniya ang drug test ay bahagi ng kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte na linisin ang lipunan sa iligal na droga.