Una sa Balita

Drug queen bibinggo sa PDEA

0 355

IBINUNYAG kahapon ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) chief Aaron Aquino na isang “drug queen” na nakabase diumano sa Maynila ang bumbili ng mga nakumpiskang mga iligal na droga ng mga awtoridad sa kanilang operasyon.

“Ngayon ko lang sasabihin ‘to… na meron tayong drug queen dito sa Manila na ang ginagawa lang eh bumibili ng drugs coming from law enforcement agencies,” pahayag ni Aquino sa pagdinig kahapon ng Senado sa panukalang budget ng PDEA para sa 2020.

Tumanggi naman si Aquino na pangalanan ang sinasabi nitong “drug queen” matapos usisain ni Senate Minority Leader Franklin Drilon. Subalit iginiit nitong nagpaplano sila ng operasyon para sa ikadarakip nito.

“We will conduct operation first, neutralize muna namin, Sir, ‘yung drug queen na ito,” sabi ni Aquino.

Nauna rito, inamin ni Aquino na talamak ang pag-recycle sa iligal na droga na nakumpiska ng mga awtoridad sa buy-bust operation.

Sabi ni Aquino, mahigit P55 bilyon halaga ng nakumpiskang droga na ang kanilang sinira, at may P22 bilyon pa ang nasa imbentaryo ng PDEA at kinakailangan pa ng court order bago ito sirain.

Kaugnay nito, nanawagan naman si Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson sa Korte Suprema na tulungan ang PDEA para mabilis ang pagsira sa mga nakumpiska nilang iligal na droga.

“There’s still P22 billion worth of drugs still in the inventory of PDEA. They have already destroyed P55 billion pero meron pa ring P22 billion na iba roon, as far back as 2010 nila na-confiscate, and the law provides that within 72 hours kailangan masira,” ani Lacson. (Dindo Matining)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy