Una sa Balita

Droga nahulog sa bulsa ng 2 lalaki, kulong

By
0 1,808

Kulungan ang kinasadlakan ng dalawang lalaki matapos mabu­king na may dalang ilegal na droga nang mahulog ito mula sa bulsa ng isa sa mga suspek, kamakalawa sa Pasig City.

Kapwa nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act sina Nelson Sta. Iglesia, Jr. y Calpis, at Reden Dacu y Amaya, nasa hustong mga gulang, at kapwa nakatira sa Brgy. Maybunga, Pasig City.

Nabatid na hindi kasama sa drug watchlist ang dalawang suspek at posibleng user ang mga ito habang ang isang kasama na si Arnel Carolino, ay agad nakatakbo nang makatunog na paparating ang mga pulis.

Abante Hiring – IT dep

Batay sa report, naganap ang insidente bandang alas-11:30 ng Sabado ng umaga nang magsagawa ng buy-bust operation ang Pasig police at nang sitahin ang tatlong lalaki na nakaistambay umano sa kahabaan ng Westbank Road, Floodway, sakop ng Brgy. Maybunga at tila may kahina-hinalang kilos.

Agad na tumakbo si Carolino sa hindi malamang dahilan kaya ina­resto at kinapkapan ang dalawang kelot na kung saan ay nakuha­nan ng limang plastik na sachet na naglalaman ng shabu at P200 buy-bust money.

Ayon sa mga suspek, pinadala lamang sa kanila ang shabu at nagulat nang arestuhin sila ng mga pulis.

Kasalukuyang nakakulong ang dalawang suspek sa Pasig detention cell.