Una sa Balita

Driver tinarakan ng mga kainuman

0 196

NASA malubhang kalagayan ang isang driver makaraang pagtulungang saksakin ng dalawa nitong kainuman sa Malabon City, kamakalawa nang gabi.

Ginagamot sa Valenzuela City Medical Center si William Balaton, 33, naninirahan sa Kapitan Rado St,, Santulan, Brgy. Gen. T. De Leon, Valenzuela City dahil sa mga saksak sa katawan at malalim na sugat sa ulo.

Huli naman sa follow-up operation ang mga suspek na sina Bernado Pontawi, 54, may asawa, ng Judge Oreta St., Brgy. Tonsuya at Jovito Hitosis, 45, binata, care taker, ng Damson St., Brgy. Dampalit, kapwa ng Malabon City.

Base sa report, nagkakasayahan sa kanilang inuman ang biktima at ang mga suspek sa Damson St., Brgy. Dampalit, bandang alas-11:30 nang gabi.

Makalipas ang ilang sandali, nagkasagutan ang mga ito dala na rin ng kalasingan.

Dahil hindi umano tagalugar, pinagtulungan ng dalawang suspek ang biktima, at agad na tinarakan sa katawan ni Pontawi ang una, habang kumuha naman ng bote ng alak si Hitosis at ipinalo sa ulo ni Balaton.

Nahinto ang gulo nang dumating na ang mga tauhan ng Police Community Precinct at pinosasan ang mga suspek, pero bigo ang mga awtoridad na marekober ang patalim na ginamit.

Kinasuhan ng frustrated murder ang dalawang nadakip. (Orlan Linde)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy