Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Driver timbog sa ‘bomba joke’

0 70

Binitbit sa presinto ang isang 43-anyos na driver matapos itong magbiro na may dala siyang bomba sa kanyang motorsiklo sa Kawit, Cavite kahapon ng madaling-araw.

Kasong paglabag sa PD 1727 (Malicious Dissemination of False Information or Willful making of any Threat Concerning Bombs, Explosive Or Any Similar Device), light threat at unjust vexation ang kinakaharap ng suspek na si Morris Cano Inanoria, binata, ng Adas 2, Molino 2, Bacoor City.

Sa ulat ni P/SSg. Nelvin Trajico ng Kawit Police Station, pinara ni Erwin Inanoria, naka-duty na guwardiya ng First Orient International Ventures Corp., sa Kawit, Cavite ang suspek para inspeksyunin ang sasakyan nito bago papasukin sa kanilang gate bandang alas-4:49 ng madaling-araw.

Bubuksan na umano ni Inanoria ang compartment ng motor nang magbiro ang suspek na may dala siyang bomba.

Dahil dito, tinawag ni Inanoria ang kanilang internal security officer na si Luis Paolo Emil Garcia para humingi ng backup. Tumawag sa pulisya si Garcia pero sa halip na magpaliwanag ay nagbanta pa ito kaya inaresto ito at dinala sa presinto. (Gene Adsuara)

Leave A Reply

Your email address will not be published.