Una sa Balita

Driver positibo sa droga! Grade 8 inararo ng jeep, patay

0 441

NASAWI ang isang grade 8 student habang pito ang sugatan nang araruhin ang mga ito ng rumaragasang pampasaherong jeep habang tumatawid sa Makati City, Miyerkoles ng gabi.

Hindi na umabot nang buhay sa Ospital ng Makati ang biktimang si Jules Villapando, 13, mag-aaral ng Gen. Pio del Pilar National High School, habang nakaratay pa sa nasabing pagamutan ang 3 iba pang mag-aaral dahil sa sugat at pasa na inabot sa insidente.

Hawak naman ng pulisya ang driver ng jeep na si Crisalde Jaictidan Tamparo, 31. Dakong alas-7:20 ng gabi nang maganap ang insidente sa panulukan ng J.P. Rizal Avenue at Mabini St., Brgy. Poblacion.

Base sa kuha ng closed circuit television (CCTV), nakitang nagla­lakad at papatawid sa tamang tawiran ang mga biktima nang salpukin ito ng jeep ni Tamparo na nawalan umano ng preno.

Dahil sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ang mga biktima at nakaladkad pa nang ilang metro si Villapando. Nang dumaan sa pagsusuri, nabatid na positibo sa ­droga ang driver.

Dahil dito, bukod sa kasong reckless imprudence resulting to homicide and multiple injuries, posible pa umanong madagdagan ang asunto kay Tamparo. (Armida Rico)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More