Una sa Balita

Driver nagsoli ng P132K sa kompanya

0 2,553

Hinahangaan ngayon ang isang delivery dri­ver sa bayan ng Odiongan sa Romblon matapos magsoli ng napulot nitong mga pera at tseke nitong Enero 21.

Ang driver na kinilalang si Michael Fesariton, ay anim na buwan palang sa pinagtatrabahuang appliance center.

Kuwento ni Fesariton, inutusan umano siyang bumili ng bakal dahil wala pa namang idi-deli­ver ngunit paglabas umano nito sa parking area ng kanilang opisina ay may napansin siya na sobre kaya kinuha niya ito at inilagay sa kanyang tricycle.

Pagdating niya sa hardware kung saan siya bibili sana ng bakal, tiningnan niya ang laman nito at nagulat siya dahil puno ito ng pera.

Agad siyang bumalik ng opisina at sinabi sa kanyang manager na may napulot siyang sobre na may lamang pera, pagbukas nila dito tumambad sa kanila ang aabot sa P132,000 na pera, at mahigit P100,000 halaga ng tseke.

Napag-alaman ni Fesariton na may pumunta na umano sa kanilang opisina at nagtaong kung may nahulog bang pera doon na pagmamay-ari ng isang kompanya, dito na nila sinubukang tawagan ang nakahulog ng pera.

Sa tuwa ng liaison officer ng kompanya na nakahulog sa pera, niyakap umano siya nito at pinasalamatan. Dadalhin niya umano sana ito sa bangko para i-deposit ngunit nahulog umano pagbaba niya ng opisina ng PhilHealth.

Sinabi ni Fesariton na kahit kailangan nila ng pera ay mas nanaig sa kanyang puso ang kabutihan at ang pag-iisip na hindi niya naman umano pera at hindi niya pinaghirapan ito para angkinin.

Hamon ni Fesariton sa iba pang makakapulot ng pera, huwag magpapatukso at isoli ang pera dahil ang nakawala nito o may-ari nito ay pinaghirapan rin ang pagkakaroon ng pera. (Paul Jaysent Fos)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy