Una sa Balita

Driver, konduktor kalaboso sa pot session bago bumiyahe

0 293

Arestado ang isang driver at kanyang konduktor nang mabuking na bumabatak muna ng shabu bago bumiyahe, sa loob ng bus sa Malabon City, kahapon nang madaling-araw.

Kinilala ang nadakip na driver na si Victor Marbos, 39-anyos, ng nabanggit na lungsod at Hermelito Oyan, 31.

Alas-3:40 nang madaling-araw, nagpapatrulya nang mga oras na iyon sina PCpl. Florence Mel Lopez at PCpl. Brent Lucas ng Police Community Precinct 2 ng Malabon Police.

Pagdating nila sa kahabaan ng Guana St., Barangay Potrero, Malabon City, nakita ng mga ito ang Baclaran Metro bus (body number 1939) na nakabalagbag ang pagkakaparada.

Bumaba ng mobile patrol ang da­lawang pulis at magkasunod na pumasok sa bus, doon huling-huli sa akto sina Marbos at Oyan na sumisinghot ng shabu.

Narekober sa mga suspek ang isang disposable lighter na kulay puti, aluminium foil at isang plastic sachet na may lamang shabu.

Katwiran ng mga hinuli, masigla raw ang kanilang pakiramdam kapag nakabatak at panlaban sa pagod sa maghapong biyahe.

Kinasuhan ng paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act sina Marbos at Oyan. (Orlan Linde)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy