Una sa Balita

Dream Love

By
0 342

Ika-9 na labas

Napansin niya ang malungkot na mukha ng dalaga kaya nilapitan niya ito.

“Julia.”

Napalingon si Julia sa mahinang tawag niya. Bumaba siya ng bike at isinandal ito sa isang puno roon. Saka naupo sa tabi ng dalaga.

“Anong ginagawa mo rito? Nagpapahinga ka ba, mukhang malungkot ka ah?” tanong ni Dave.

“Pwede isa-isa lang ang tanong?”

“Okay, uunahin ko na ‘yung tanong na bakit malungkot ka?”

Hindi makasagot ang dalaga.

“O ngayon naman isa lang ang tanong ko ayaw mong sagutin.”

“Sorry Dave, alam mo mas mabuti kung iwan mo na lang ako dito.”

“’Yan ang hindi ko gagawin, kasi magkaibigan na tayo, hindi kita hahayaang mag-isa sa kalungkutan mo.”

“Hindi ka rin makulit eh no?”

“Hindi naman kita kukulitin kung hahayaan mo lang ako na samahan kita dito, teka matumal ba ang benta kaya malungkot ka? Kung gusto mo tutulungan ulit kitang maglako niyan!”

“Hindi… nagpapahinga lang talaga ko dito.”

“Okay, e ‘di sasamahan na lang kitang magpahinga.”

“Teka, wala ka bang magawa sa inyo?”

“Ang totoo, meron kasi akong good and bad news, kaya naisipan kong magpalipas na lang sa paglilibot!”

“Ano naman ‘yon?”

“O kita mo na, ikaw nga interesado ka ring malaman yung mga issues sa buhay ko, syempre gano’n din ako sa’yo!”

“Alam mo ikaw, kung umasta ka parang ang tagal-tagal na nating magkakilala, hindi po ako interesado sa buhay mo, nagbanggit ka ng issue kaya nagtanong ako.”

“O sige na nga surrender na ko, pero sa ayaw at sa gusto mo ikukuwento ko pa rin sa’yo ‘yung good and bad news ko, unahin ko na ‘yung bad ha, tungkol sa mama ko, medyo na-bad trip lang ako kanina kasi feeling ko wala siyang pakialam sa nangyayari sa’kin o sa nararamdaman ko…”

“Serious ba ‘yan o part na naman ng script rehearsal mo?”

“Seryoso ako, o sige do’n na nga tayo sa good news, natanggap ako sa audition!”

Napakunot ang noo ni Julia sa narinig.

“Natanggap? E ‘di ba nga hindi ka natanggap?”

“E kasi nga may nagback-out kaya tanggap na ko, sa Wednesday pinapapunta ako sa studio!”

Nakita ni Julia ang kislap sa mga mata ni Dave habang nagkukuwento. Kaya napangiti siya.

“Ayun ngumiti rin, e pa’no, ngingiti ka na lang ba diyan? Hindi mo ba ko iko-congrats?”

“E ‘di congrats! Dahil diyan, ililibre kita ng isang Banana cue!”

“Talaga? e kung samahan mo na kaya ng softdrink?”

“O sige, ano bang softdrink ang gusto mo?”

“Joke lang, kahit hindi mo na ko ilibre, share mo na lang sa’kin yung problem mo, baka kahit konti may maitulong ako.”

Napawi ang ngiti sa labi ni Julia.

“Wala naman talaga akong problema e… nag-aalala lang ako.”

“Nag-aalala?… Kanino?”

“Sa kuya ko.”

“Tungkol ba sa nakita natin?”

Tumango ang dalaga.

“Sinabi mo na sa kanya?”

“Kaysa naman pagmukhain pa siyang tanga ng Candy na ‘yon, kaya lang hinintay pa talaga niya na ipamukha sa kanya nito ang…” hindi na itinuloy ni Julia ang sasabihin.

“Dave, pasensya ka na, pero siguro hindi ko na dapat ikinukuwento sa’yo ang mga personal na problema ng kuya ko, sorry.”

“Hindi ka dapat mag-sorry, ako, kasi pinilit kitang sabihin sa’kin ang inaalala mo. Pero alam mo, kahit ano pa man ang pinagdadaanan ng kuya mo ngayon, lilipas din ‘yon, at pag natagpuan na niya ang para sa kanya, ‘yung nangyari sa kanya ngayon pagtatawanan na lang niya ‘yon!” (Itutuloy)