Una sa Balita

Dream Love

By
0 336

Ika-8 na labas

“Kuya Jake, saan ka ba uminom?” tinulungan ni Julia ang binata na makapaglakad. Inakbayan siya nito.

“Sa bar… pero hindi yata ako tinatablan ng alak… hindi pa rin ako makalimot eh…”

“Ano bang sinasabi mo e lasing na lasing ka na nga!… a-akala ko tumuloy ka pa rin sa date nyo?”

Huminto si Jake sa paghakbang bago muling nagsalita.

“Ang saya… ang saya-saya nga ng date namin e… hindi ko siya tinanong, hindi ko siya sinumbatan, kinompronta,wala, wala akong sinabi maski ano tungkol sa sinabi mo sa’kin… pero… pero siya mismo… siya mismo ang nag-open sa’kin non…”

“Ano?… A-anong sinabi niya sa’yo?”

“Na ‘yung date namin… ay para sabihin lang sa’kin na, iyon na ang huli naming date…”
“Kuya, doon na tayo mag-usap sa’tin…”

Inakay ni Julia ang kuya niya hanggang makaupo ito sa upuan sa harapan nila.

“Yung date na ‘yon… break-up date! ­Nakakatawa diba?”

Hindi umimik si Julia. Naaawa siya sa kuya niya.

Tumayo si Jake at nagsisigaw kaya nataranta ang dalaga.

“NAKAKATAWA AKO! NAKAKATAWA AKO! PINAGTATAWANAN LANG NILA AKO!” sigaw nito habang nakatingala sa langit.

“Kuya tama na, magpahinga ka na muna!” awat ni Julia sa kapatid.

Ilang ulo ng kapitbahay ang nagsilipan sa mga bintana.

“WALA AKONG KUWENTA!”

“Kuya please, tara na sa loob.”

Nagising na rin ang nanay at lola nila. Pareho itong nakatingin sa kanila mula sa pintuan.
“Nay, lola, ako na pong bahala kay kuya…”

Kumalma si Jake nang makita ang ina at lola. Naupo siyang muli sa upuan at tahimik na umiyak. Hinagod ni Julia nang haplos ang likod ni Jake.

“Kuya, matulog ka na, pag-usapan natin ito bukas.”

Sumunod naman si Jake sa kapatid. Pumasok na ito sa bahay at dumiretso sa kuwarto saka nahiga. Kinumutan siya ni Julia.

Sa isip ng dalaga, kaya nga ba takot siyang ma-in love, baka maranasan rin niya ang nararanasan ngayon ng kuya niya… baka masaktan lang din siya… baka hindi niya makayanan ang mabigo tulad nila…

Kinabukasan. Sa bahay ng mga Castillo.

“Dave, may seminar ako sa Cebu kaya ilang araw akong mawawala. ‘Yung mga bilin ko sa’yo ha.” paalala ng mama ni Dave na si Divina habang magkasalo sila sa umagahan.

“Si papa nasa seminar din diba?”

“Oo, pero pauwi na rin ‘yon mamayang gabi.”

Nang biglang tumunog ang cellphone ni Dave.

“Yes? Opo, ito nga po si David Castillo!… T-talaga po?” nangislap ang mga mata ni Dave habang nakikipag-usap sa cellphone.

“YES!” sigaw pa nito nang matapos ang ­pakikipag-usap.

“Bakit Dave, sino ‘yon?”

“Sa pinag-audition-an ko ma! Nag-back out daw kasi ‘yung isang nanalo, since ako yung may ­pinakamataas na score sa mga nalaglag kaya ­tinawagan nila ko!”

“Ah, so panakip-butas ang tawag diyan.” Ani Divina habang sumusubo ng pagkain.

“Ma naman, panira ka ng moment eh!”

“O e bakit totoo naman ang sinabi ko ah? Hay naku David, manong tigil-tigilan mo na nga ‘yang mga kalokohan mong ‘yan, mag-concentrate ka sa pag-aaral mo para makatapos ka ng business ad at matulad ka sa amin ng papa mo.”

“Ma, ayoko nga ng kursong ‘yon, papasok ako ng culinary next year at magiging chef ako, isang chef na artista!”

“Teka, hindi ka na pumapasok?” kunot noong tanong ng ina.

“Sinabi ko na sa’yo last month pa, pero palagi mo na lang nalilimutan ang mga bagay na may kinalaman sa’kin kasi masyado kayong busy ni papa sa mga trabaho n’yo.” Pagkasabi niyon ay tinalikuran na ni Dave ang ina at lumabas ng bahay.

Naiwan namang nailing at nag-iisip ang ina.

Dala ang bike, naisipan ni Dave na maglibut-libot sa paligid ng subdivision habang pinapalipas ang inis sa ina.Tutal naman ay gusto rin niyang makabisado ang bawat sulok ng lugar. Bago pa lang kasi sila rito at wala pa siyang masyadong kilala. Kinailangan kasi nilang lumipat para mas maging malapit ang ina at ama sa trabaho ng mga ito.

Paliko siya sa kanang bahagi ng subdivision  nang mahagip ng mga mata niya si Julia na tila nagpapa­hinga sa isang sulok ng pavillion kalong ang bilao ng paninda nitong Bananacue. (Itutuloy)