Una sa Balita

Dream Love

By
0 342

Ika-7 na labas

“H-hindi… hindi ko siya napuntahan kanina…” pagkakaila ni Julia.

“Kung gano’n idea talaga niya ang date namin! Sabi ko na nga ba mahal pa rin niya ako!” bakas sa mukha ni Jake ang tuwa nang talikuran nito si Julia para pumasok sa silid.

Naiwan namang hindi makakibo si Julia. Awa ang nararamdaman para sa kapatid. Pero hindi niya alam kung paano uumpisahang sabihin dito ang ­nakita kanina.

Gabi. Sa loob ng silid ay excited na humarap sa salamin si Jake habang inaayos ang suot na polo. Nakaupo naman sa double deck si Julia at malungkot na nakatunghay sa kanya. Napansin iyon ng binata.

“Hoy, ba’t ganyan ang mukha mo, may ­problema ka ba?” tanong ni Jake na tinitingnan ang kapatid mula sa salamin.

“H-ha?”

Nilingon siya nito at nilapitan.

“Sis, bakit?”

Namutla ang dalaga. Siguradong makokonsensya siya kapag hinayaan niya ang kapatid na paniwalaan pa si Candy.

“K-kuya… paniniwalaan mo ba’ko?”

“Ano bang klaseng tanong ‘yan? Ikaw ang nag-iisang kapatid ko, ako ang una at totoong bestfriend mo bago si Carlo diba? At hindi lang ako basta bestfriend kundi trusted friend kaya imposibleng hindi kita paniwalaan.”

“Kung gano’n…, ‘wag mo nang siputin si ­Candy sa date nyo…”

“Ha? pero bakit?”

Tumalikod si Julia bago nagsalita. Hindi niya kayang tingnan ang magiging reaksyon ng kuya niya sa sasabihin niya.

“Pinuntahan ko siya kanina… pero hindi ako nagpakita sa kanya, kasi… kasi nakita ko siya… lumabas sa pintuan kasama ang isang lalaki…”

Hindi nakakibo si Jake. Napakunot ang noo. ­Nagpatuloy si Julia.

“Hinalikan siya ng lalaki sa lips niya…”

Humarap si Julia sa kapatid.

“I’m sorry kuya! Pero iyon ang nakita ko kanina!”

Nanatiling walang kibo si Jake at nakatulala. ­Niyakap ni Julia ang kuya niya.

“KUYA!” ginawa na ni Julia ang lahat para mapigi­lan si Jake pero desidido itong siputin pa rin si ­Candy.Walang nagawa ang dalaga kun’di malungkot na ihatid ng tanaw ang kuya niya papalayo.

“Ang Candy na ‘yon… makakarma rin siya…”

Malalim na ang gabi, pero nananatiling mulat ang mga mata ni Julia. Iniisip niya kung tama ba ang ginawa niyang pagtatapat sa kuya niya ng nakita­ niya… wala itong kibo kanina nang umalis, naniwala kaya ito sa kanya o si Candy pa rin ang mas paniniwalaan nito? Nang maging karelasyon ng kuya niya si Candy hindi sila naging close nito, casual lang. Dati hindi niya alam kung bakit parang ayaw niya dito… pero ngayon alam na niya, dahil hindi pala ito magiging tapat sa kuya niya…

Sinulyapan ni Julia ang nanay at lola niya na kapwa mahimbing nang natutulog sa kabilang double deck.

Naisipan niyang bumangon. Lumabas siya at naupo sa upuang kahoy na nasa harapan lang ng bahay nila. Nag-aalala siya kasi wala pa ang kuya Jake niya. Tumanaw siya sa pinakamalayong maaabot ng kanyang paningin, pero puro kadiliman lang ang nakikita niya. Tahimik na ang buong eskinita.

Maya-maya pa ay may natanaw siyang ­pasuray-suray na naglalakad mula sa kanto.

“Kuya?”

Patakbo niyang nilapitan ito nang masiguro niyang ang kuya Jake nga niya ito. (Itutuloy)