Una sa Balita

Dream Love

By
0 336

Ika-6 na labas

Biglang nanikip ang dibdib ni Julia sa nakita. Parang gusto niyang sugurin ang babae pero pinili niya ang maging mahinahon at pakalmahin ang sarili.

“Julia, hindi siya ang kuya mo?” tanong ni Dave dahil hindi pa naman nito nakikilala ang kuya ng dalaga.

Umiling si Julia.

“I-ibig sabihin niloloko niya ang kuya mo?”

“Tara na.”

Mabibilis ang mga hakbang ni Julia papalayo sa lugar na iyon.

“Julia, papakyawin ko na lang ang paninda mo para makauwi ka na, alam ko gusto mo nang umuwi.”

“Hindi, salamat na lang, dadalhin ko na lang sa pasugalan ni Ka Iska…”

Walang malisyang hinawakan ni Dave ang kamay ni Julia at iniipit doon ang 300 pesos.

“Pumayag ka na please, isipin mo na lang na ako ang bestfriend mo na gusto kang tulungan.”

Naalala ni Julia ang bff na si Carlo noong tulu­ngan din siya nito na mabayaran dati ang kulang niya sa exam noong highschool pa lang sila.

“Pero sobra-sobra ‘tong 300.” Ani Julia kay Dave.

“Okay lang ‘yon, hindi importante kung sobra o kulang, ang importante ‘yung kagustuhan kong tumulong at ‘yung pagtanggap mo.”

“S-salamat Dave, babawi na lang ako sa ibang araw.”

“O sige, aasahan ko ‘yan ha!” nakangiting sabi ni Dave.

Ibinalot lahat ni Julia ang Bananacue at iniabot sa binata. Pagkatapos ay sinimulan na niyang maglakad palabas ng subdivision.

“Ahm, Julia!” habol ni Dave.

Huminto ang dalaga at lumingon.

“Ihahatid na kita, angkas ka sa bike ko.”

“Alam mo ‘wag na, sobra-sobra na ang naitulong mo sa’kin, sinamahan mo ko, pinakyaw mo ang tinda ko, ngayon gusto mo pa’kong ihatid?”

“Maliit na bagay!”

Dahil sa kakulitan ni Dave ay napapayag din niya ang dalaga. Nakasukbit ang plastic ng Bananacue sa manibela ng bike habang bitbit naman ni Julia ang bilao na wala nang laman. Nakaupo siya sa unahan ng binata.

Habang daan ay puno ng kaba ang dibdib ni Julia. Hindi siya sigurado kung saan nanggagaling ang kaba na ‘yon, dahil pa rin ba kay Candy at sa natuklasan niya rito o dahil sa pagkakaangkas at pagkakalapit halos ng katawan nila ni Dave. Pakiramdam kasi niya ay nakayakap na ito sa kanya dahil nakakulong siya sa mga bisig at kamay nitong nakahawak sa manibela ng bike.

Iba naman ang kabang nararamdaman ni Dave. Kaba na may kahalong kilig. Para sa kanya, ang simpleng pag-angkas ni Julia sa bike niya ay isang napakagandang pagkakataon na babalik-balikan niya sa isip hanggang sa panaginip.

Papasok na sila sa eskinita ng squatter’s area nang mamataan sila ni Carlo na bumibili ng softdrink sa tindahan. Natigilan ito at napatitig sa kanila nang may pagtataka.

Hindi naman napansin ni Julia si Carlo dahil nagkubli ito sa isa likuran ng isa pang bumibili.
“Tingnan mo nga naman, ang napakahinhin kong bestfriend, nakaangkas ngayon sa isang estrang­hero?” naiiling na komento ni Carlo sa isip.

Related Posts

Huminto sila sa tapat ng isang ‘di-kalakihang bahay.

“Dito na lang, ito ang bahay namin.”

Yari lang sa light materials ang bahay nila Julia pero sa bukana pa lang ay makikita na ang kalinisan at kaayusan nito. May magandang kurtina ang bintana at pinto na parehong kulay yellow at may design na bulaklak.

Pagpasok ay mabubungaran ang sofa at upuang kahoy na malapit sa bintana.Sa harapan ng nag-iisang sofa ay may television na nakapatong sa patungan na ginawa lang ni Jake. May center table na yari sa kahoy at ang babasaging vase ay may halaman na tinatawag na welcome. Pampasuwerte raw ito.

May welcome plants din sa altar na malapit sa pintuan ng nag-iisang silid. May light yellow curtain naman na nagsisilbing dibisyon ng sala at kusina. Kapansin-pansin din ang magkahiwalay na frame nina Julia at Jake na nakasabit sa wall, parehong naka-toga ng puti na kuha nila sa highschool gradua­tion. Kapwa maaliwalas ang mga mukha nila dito.

Napatitig si Dave sa mukha ni Julia na nasa frame. Humanga siya sa napakasimpleng kagandahan nito.

“Nay, siya si Dave, taga-subdivision at bago kong kaibigan, Dave, ang Nanay Osang ko, si lola Betina natutulog e.”

Tila nagbalik naman sa wisyo si Dave nang marinig ang pagpapakilala ni Julia sa kanya. Agad inabot ni Dave ang kamay niya sa singkwenta anyos na babae.

“Magandang hapon po!”

“Magandang hapon din naman hijo.”

“Upo ka muna Dave. Dito ka lang at ibibili kita ng softdrink.” Si Julia.

“Naku hindi ‘wag na, saka hindi na rin naman ako magtatagal, uuwi na rin ako pero sana okay lang sa inyo na bumalik ako sa ibang araw.” Sabay tingin din ni Dave sa ina ng dalaga.

“Oo naman Dave, welcome naman dito sa bahay namin ang mga kaibigan ng mga anak ko.”

Nang makaalis ang binata ay makahulugang tiningnan ni Aling Osang si Julia.

“Ma, ba’t ganyan ang tingin mo?”

“Wala lang, gusto ko lang maaninag sa mga mata mo kung sino ba talaga ang gwapong binatang ‘yon.”

Natawa si Julia.

Ma tinulungan niya kong maglako, pinakyaw niya ang paninda ko at nag-insist siya na ihatid ako rito sa’tin, bago ko lang po siyang kakilala pero mukha naman siyang mabait at tingin ko magiging mabuti kaming magkaibigan tulad ni Carlo.”

“Okay sige, sinabi mo eh, pero mag-ingat ka lang sa mga nakikilala mo sa subdivision at saka ingatan mo rin ang puso mo.” Makahulugang sabi ng ina bago nito tinalikuran ang anak upang magtungo sa kusina.

Napailing-iling si Julia sa sinabi ng ina at napangiti rin siya, pero agad ding napawi ang ngiting iyon nang matanaw na niya ang kuya Jake niya na paparating. Naalala niya ang nakita niya kanina sa bahay nila Candy. Nagtataka lang siya kung bakit tila iba ang aura nito ngayon kaysa kahapon.

“Hi sis!” masayang bati pa nito sa kanya habang inilalapag ang bag sa sofa.
“Kuya, anong dahilan ng mga ngiting ‘yan?”

“Lalabas kami mamayang gabi ni Candy, magde-date kami!”

“Magde-date kayo?”

Natigilan si Jake.

“O bakit parang gulat na gulat ka? Nakakapagtaka bang mag-date kami e boyfriend niya ‘ko at girlfriend ko siya?”

Nagtalo ang puso’t isipan ni Julia kung dapat ba niyang sabihin sa kuya niya ang nakita o hindi? Sisirain ba niya ang magandang mood nito o hahayaan na lang muna niya itong maniwala sa isang huwad na pag-ibig?

“Sis kinausap mo ba siya kanina kaya siya mismo ang nag-aya ngayon na mag-date kami o kusang-loob lang niya?” (Itutuloy)