Una sa Balita

Dream Love

By
0 336

Ika-28 na labas

Hinila ni Dave ang plastic na upuang malapit sa kanya at pinaupo roon ang dalaga.

“Hinanap kita… pero, ako naman ang nawala… nawalan ako ng pag-asa dahil sa nangyari sa’kin…”

“Hinanap din kita… at akala ko wala na talagang pag-asa… pero natagpuan kita, at ayoko na ulit na magkalayo tayo…”

Hinawakan ni Dave ang kamay ng dalaga.

“I’m sorry Julia…”

“Bakit ka nagso-sorry? Ako dapat ang mag-sorry sa’yo, kasi ako ang lumayo, iniwan kita hindi kita sinamahan sa pangarap mo…”

“Naiintindihan naman kita e…”

Muling napatingin si Julia sa painting.

“Hindi ko alam na magaling ka palang magpinta?”

Napangiti si Dave.

“Hindi ako… si aunt Paloma, ‘yung kumupkop sa’kin… siya lahat ang nagpinta ng mga paintings dito… pati ‘yang sa’yo, ‘yung picture mo na nilagay ko sa wallet ko, dun niya kinopya ‘yung mukha mo, ginawa niya ‘yan para hindi ako masyadong malungkot dito…”

“Talaga! ang husay niya pala! At ang bait niya…”

Nagsimulang magkuwento si Dave tungkol sa nangyari sa kanya. Pagkatapos ay si Julia naman ang nagkuwento ng mga nangyari sa kanya noong magkalayo sila.

“Dave, alam kong hindi ito ang mundong gusto mo… wala ka bang planong balikan ang showbiz?”

“Hindi na… kung babalik ako ro’n para lang mawala ka sa’kin ulit, ‘wag na lang… mas pipiliin ko ang tahimik na mundo kasama ka…”

“Pa’no kung sabihin ko sa’yong, pumapayag na’ko?”

“Pumapayag na ano?”

“Na mag-showbiz ka ulit!”

Natigilan si Dave.

“Sigurado ka ba? at saka tingnan mo ngang kalagayan ko, baka matagalan pa bago ako makalakad ulit…”

“Hindi ko naman sinabing agad-agad, tutulungan kita Dave, makakalakad ka ulit asap!” nakangiting sabi ng dalaga.

“Sasamahan mo ko rito?”

“Hindi ako aalis dito nang hindi kita kasama!”

Tuwang-tuwang niyakap ni Dave ang dalaga.

“Thank you Lord! Thank you for giving me this woman!” sambit pa ng binata habang yakap si Julia.

“O sige na, hindi na’ko makahinga!” sabay kalas ni Julia sa pagkakayakap ng binata.

Nagpaalam si Julia kay Paloma kung pwede niyang samahan roon ang binata hanggang sa guma­ling ito, pagkatapos ay babalik na sila sa Pilipinas.

“Paano ba kita tatanggihan hija, alam ko namang ikaw lang ang makakapagbigay ng lakas na kaila­ngan niya, lakas ng katawan, lakas ng isip at lakas ng puso… at saka isa pa nag-iisa lang naman ako dito sa bahay ko, ‘yung kasambahay ko nagbakasyon, ‘yung pamangkin ko namang si Alma, paminsan-minsan lang din ako dalawin dito.”

“Gano’n po ba, naku thank you po talaga!”

Magkausap sina Julia at Carlo sa terrace ng bahay ni Paloma.

“So anong plano mo bestfriend?”

“Plano kong mag-stay dito hanggang sa makalakad ulit si Dave, tapos babalik na kami sa Pilipinas…”

“Talagang gagawin mo ‘yon?”

Related Posts

“Oo, tatawagan ko na lang sina nanay at kuya.”

“Grabe, ganyan ba talaga ma-inlove?”

“Ikaw pa talaga ang nagtanong niyan, ‘di ba ikaw nga itong laging in-love?”

“Akala ko lang pala ‘yon dati, pero ngayon tingin ko mai-inlove na’ko ng totoo!”

“Wow! Kanino naman?”

“Kay Alma! Ipapakilala kita sa kanya bukas na bukas!”

“Dapat ko lang siyang makilala, kasi pasasala­matan ko siya dahil siya ang naging way para matagpuan ko si Dave at baka pasalamatan ko na rin siya dahil mukhang nakuha niya ang puso mo!”

“Hehe, pero Lia, kailangan mo rin akong pasala­matan ‘di ba?”

“Of course, sobrang thank you kasi tinulungan mo kong makita siya.”

“Pero hindi ako tumatanggap ng thank you words lang alam mo ‘yan!”

“Oo nga pala, don’t worry ililibre kita sa restaurant bukas!”

“Ha? sawa na’ko sa mga pagkain do’n, alam mo kung anong hinahanap ng sikmura ko?”

“Ano?”

“’Yung Banana cue mo, malamang miss na rin ni Dave ‘yon!”

Natawa si Julia.

Kinabahan si Julia nang makaharap ang mga magulang ni Dave nang bumisita ang mga ito at maabutan siyang kasalo ni Dave sa pagkain.

“Ma, pa!”

Tumayo si Julia at nagbigay-galang sa dalawa.

“I can’t believe this… hanggang dito pala nasundan mo ang anak ko…” si Divina.

“Ma…”

“No Dave, it’s okay, ikaw naman palagi ang nagde-decide sa buhay mo, how much more sa lovelife mo, by the way dumaan lang kami ng papa mo para i-check ka, babalik na’ko sa Pilipinas at ang papa mo naman pupunta ng Bangkok.”

“And nakausap namin ‘yung therapist mo, okay naman daw ang performance ng binti mo lately kaya ipagpatuloy mo lang.” ang papa ni Dave.

Bago umalis ay kinausap ni Divina si Julia.

“Julia, nag-iisang anak namin si Dave and we know that he is in-love with you, kaya naman gusto kong pagkatiwalaan ka. Alam ko na marami kaming pagkukulang sa kanya at umaasa kami na mapupunan mo ang mga pagkukulang na’yon, ang gusto lang namin ay maging masaya siya, naiintindihan mo ba?” si Divina.

Tumango at ngumiti si Julia bago nagsalita.

“Opo… makakaasa po kayo na magiging masaya siya… magiging masaya po kaming dalawa…”

Gabi. Magkahiwalay ng kuwartong tulugan sina Julia at Dave. Sa kuwartong malapit sa basement si Dave, samantalang si Julia ay nasa guest room.

Bumangon si Dave at naupo sa gilid ng kama. Tumayo siya at sinubukang humakbang. Ilang hakbang ang nagawa niya pero pagkatapos no’n ay bigla siyang bumagsak.

“Please kaya mo ‘yan Dave…” kumbinsi ni Dave sa sarili.

Muli siyang tumayo at sinubukan ulit na humakbang.

“Go…go…” usal pa ng binata habang humahakbang ng marahan palabas ng kuwarto.

Mula sa pintuan ng silid ay natanaw niya si Julia na nakaupo sa terrace. Nakatalikod ito at nakatingala sa langit.

Unti-unti ulit niyang inihakbang ang mga paa patungo rito. Pero hindi pa siya nangangalahati nang muli siyang bumagsak. Napalingon si Julia. “DAVE!” patakbo itong lumapit sa kanya para tulungan siyang makatayo.

Humawak si Dave sa mga kamay ng dalaga pero hindi pa siya tumayo. Sa halip ay tinitigan niya ang dalaga sa mga mata nito. Mga titig na handang tumunaw ng puso. (Itutuloy)