Una sa Balita

Dream Love

By
0 343

Ika-21 na labas

“Tama po kayo, tungkol po ito sa isang tindera ng Banana cue na nalagay sa kontrobersya dahil sa’kin… isang babae na hinusgahan dahil lang sa minahal ko siya…”

“Minahal? Sinasabi mo bang ang babaeng ito ay naging karelasyon mo?”

“Hindi po… dahil natatakot po siya… natatakot siya sa mundong ginagalawan ko… natatakot siya sa mga taong nakapaligid sa’kin… sa mga taong hindi siya gusto para sa’kin…”

Napaluha si Julia. Naghahalo ang emosyon sa mga sandaling iyon ng pagtatapat ni Dave sa national t.v.

“Naiintindihan ko naman po ang sitwasyon… at naging napakasaya ko po nang matupad ko ang pangarap kong maging isang artista… pero hindi po ako mapanatag dahil ang babaeng nilalaman ng puso ko ay hindi ko maabot… parang isang pangarap na hindi ko maabot dahil nasa itaas ako at hindi ko magawang bumaba sa kinalalagyan niya para ipagtanggol siya…”

Tahimik lang ang lahat. Nanatiling nakikinig sa mga ipapahayag pa ni David Josh.

“Sa mga taong nasasaktan ko ngayon dahil sa pagtatapat ko, sana mapatawad ninyo ko, sa mga magulang ko, sa manager ko, kay Melody at sa mga fans ng Melvid, hinihingi ko ang inyong pang-unawa…”

“Ok, I’m sure the world will understand, ano naman ang mensahe mo para sa iyong minamahal?”

“Julia, kung nasaan ka man ngayon… sana napapakinggan mo ko… sana ngayon ma-realize mo na ginagawa ko ‘to para sa’yo, para mapatunayan sa’yo kung gaano kita kamahal…”

Pinahid ni Julia ang luha sa mga mata. Pero nanatiling nakatutok sa television.

Nakatutok din sa t.v. si Melody nang bigla itong hinimatay.

Agad pinuntahan ni Dave ang ka-loveteam ng mabalitaan niyang dinala ito sa ospital nang araw ding iyon matapos ang interview. Naabutan niya itong nagpapahinga na sa private room.

Naupo si Dave sa upuang nasa gilid ng kama ni Melody.

“Kumusta ka, ano bang nangyari sa’yo?” tanong ng binata.

“Ikaw dapat ang tanungin ko niyan, anong nangyari sa’yo?… akala ko okay na tayo… akala ko okay na ang lahat… bakit mo ginawa ‘yon?”

“I’m sorry Melody… hindi ko kasi siya matagpuan… itinatago siya sa’kin ng family niya… sa ginawa ko, nagbabakasakali akong mapanood niya at baka mabago nito ang isip niya…”

Related Posts

Hindi kumibo ang dalaga at sa halip ay tumalikod ito ng higa.

“Melody, wala akong intensyong sirain ang career mo, magaling kang actress, alam ko na kahit wala ako sa tabi mo makakaya mo pa ring umangat sa iba…”

“But it’s not about my career… this is about me and you…”

“A-anong ibig mong sabihin?”

Muling humarap si Melody sa binata.

“Tayo… tayong dalawa, Dave, ka-loveteam lang ba talaga ko sa’yo?”

“You’re my special friend too, pero…”

“Pero sana naman ma-realize mo rin na hindi mo na kailangang hanapin pa ang isang taong ayaw namang maging bahagi ng buhay mo… look at me, I’m already part of your life…”

Hindi makasagot si Dave. Lumabas siya ng silid ni Melody na hindi sila nagkaintindihan. Naguguluhan siya. Gusto ba ni Melody na maging totohanan ang pagtatambal nila?

Nakasalubong ni Dave si Buddy sa lobby ng ospital. Hinila siya nito sa isang bakanteng kuwarto doon para makapagtago.

“Paparating na ang mga reporters, sigurado akong hindi ka nila titigilan lalo’t nabalitaan na nila ang nangyari kay Melody kaya kailangan mong maghanap ng ibang daan palabas sa ospital na’to, Dave ano bang kalokohan ang nasa isip mo? Naayos ko na ang career mo, ano na naman ‘tong ginawa mo?”

“Sorry Madam, kung ito ang magiging dahilan para mawalan ako ng career okay lang…”

“What? Ganyan ka ba talaga ka-desperado sa Banana cue girl na ‘yon? Make up your mind pretty boy!”

Hindi sumagot si Dave.

“Okay sige, wala na rin lang ako magagawa, susubukan kong i-build up ka as solo pero hindi ako makakapangako, nanghihinayang lang ako sa galing mong umarte kaya susubukan ko, mag-usap tayo sa office, sa ngayon pupuntahan ko muna si Melody at ikaw, ‘wag ka munang magpakita sa mga press!”

Buo na ang desisyon ni Julia. Babalik siya para kay Dave. Handa na siyang magmahal sa taong handa siyang ipaglaban sa buong mundo. Handa na siyang isugal ang puso niya sa laban ng pag-ibig.

Napapangiti pa si Julia habang sakay ng bus. Pagdating niya sa bahay nila ay pare-parehong nagulat ang nanay, kuya at lola niya. (Itutuloy)