Una sa Balita

Dream Love

By
0 342

Ika-2 na labas

Naka-isang taon lang siya. Pero may plano pa rin naman siyang balikan ang kursong iyon na gusto talaga niya.

Kailangan lang muna niyang mag-ipon. Kasama nila sa bahay ang lola Betina niya na maagang iniwan ng lolo niya na sumakabilang buhay na mula pa nu’ng sanggol pa lang ang nanay niya. Ang tatay naman niya ay sumakabilang bahay ayon sa nanay niya noong nasa grade school pa lang siya.

At ang kuya Jake naman niya ay abala sa pagiging welder sa isang pabrika. Sila ang pamilya niya na mahal na mahal niya kahit pa wala sa kanila ang naging successful ang lovelife.

Mas importante na buo ang tiwala nila sa isa’t isa kahit hindi buo ang pamilya nila at may pag-asang sa pamamagitan ng pagtutulungan nila ay magiging maginhawa rin ang buhay nila sa hinaharap. Future lovelife? Malabo ‘yon.

Wala siyang matanaw na lovelife sa future niya, at kung pwede lang ‘wag na niyang maranasan iyon kaysa maranasan pa niya ang sakit na kakambal daw ng pag-ibig. Tulad na lang ng mga kaibigan niyang sina Laila at Gemma, palagi na lang umiiyak dahil sa mga lovelife nila, ang bestfriend naman niyang si Carlo, palagi na lang basted. At ang kuya Jake niya…

“Kuya? May problema ba?” tanong ni Julia habang inilalapag ang bilao na wala nang laman sa mesa.

Nilingon siya ni Jake na nakatalungko sa upuang nasa harap ng bintana at malungkot.

“S-si Candy kasi…”

“Bakit, nag-away ba kayo?”

“Hindi naman…”

Napakunot ang noo ni Julia.

“Hindi? E bakit kung maka-emo ka diyan parang nakipag-break na sa’yo ‘yung tao?”

Humugot ng malalim na buntong hininga si Jake bago muling sumagot.

“Iyon na nga ang problema eh, daig pa namin ang break. Parang ang lamig lamig niya sa’kin…”

Napangiti si Julia. Nilapitan nito ang kuya niya at hinawakan sa balikat.

“Dalawang taon mo siyang niligawan, at dalawang buwan pa lang kayong mag-on, ano bang inaasahan mo, sweetness all the time?… o baka naman nagsawa na agad siya sa’yo! Kaya kung ako sa’yo unahan mo na siyang makipag-break!”

Tinanggal ni Jake ang kamay ng kapatid sa balikat niya.

“Alam mo ikaw sis, kahit kelan anti ka eh, palagi kang nega, bago pa lang kami kaya natural lang na umasa ako sa sweetness overload at never akong makikipag-break!”

“Hay naku ewan ko sa’yo kuya, basta ako, ang masasabi ko lang, kahit anong mangyari, happy or sad, nandito lang ako lagi sa tabi mo.”

Related Posts

Kinabig ni Jake si Julia at hinalikan sa noo.

“’Yan naman ang gusto ko sa’yo, kahit nega ka sa love, sweet ka pa rin!”

Audition room. Tahimik subalit puno ng pag-asa si Dave nang lumabas mula sa pintuan at naupo sa waiting area. Kakatapos lang niyang magpakita ng talent.

Maya-maya pa ay lumabas ang isang babae at binasa ang hawak na papel.

“Ang mga number na tatawagin ko ay yung nakapasa sa audition…”

20 ang nakatakdang tawagin. Labingsiyam na ang natawag at isa na lang ang numerong hinihintay ng lahat.

“And last but not the least…”

Napapikit si Dave. Taos puso ang pagdarasal na sana ay number na niya ‘yon.

“094…” nabitin pa ang isang number.

“9 please… 9 please…” bulong ni Dave sa sarili nang buong pananalig.
“8!”

“0948?” gumuhit ang disappointment sa mukha ni Dave.

“YES!” tuwang-tuwa naman ang may-ari ng numero na tinawag.

Umuwing lulugo-lugo si Dave. Sa dami ng auditions na pinagdaanan niya na kasingdami na rin ng kabiguan niya, dapat ay sanay na sanay na siya, pero sa tuwing darating ang pagkakataong ito ng pagkatalo ay super bigat pa rin ang nararamdaman niya. Para siyang naubusan ng pag-asa.

Sakay ng taxi papasok sa subdivision nang matanaw niya ang dalagang nakita niyang nakasilip sa gate nila at nanonood ng pagpa-practice niya sa drama. Kasalukuyan nitong binebentahan ng banana cue ang guard sa subdivision.

“Kuya, dito na lang.” matapos magbayad ay bumaba si Dave ng taxi.

“O ayan manong guard ha, ipinili kita ng malaki para mabusog ka,alam ko kasi kulang sa’yo ang isa kaya lang palagi namang isa lang ang binibili mo!”

“E pa’no pang-isahan lang ang budget! Dapat kasi pinapautang mo rin ako!”

“Naku, ikaw talaga manong guard, dose pesos lang ang banana cue ko uutangin mo pa?” nakangiting sabi ni Julia.

Napatingin si Julia kay Dave na ‘di kalayuan sa kanya. Nakita kasi niya sa sulok ng mata niya na nakatingin ito sa kanya. Sa ikalawang pagkakataon ay nagtama ang kanilang mga mata.

Nagsimulang humakbang si Dave palapit sa dalaga habang ang dalaga naman ay sinisimulan ding humakbang palayo. (Itutuloy)