Una sa Balita

Dream Love

By
0 336

Ika-18 na labas

Nasa trabaho pa ang kuya niya kaya ikinuha na lang muna ni Julia ng t-shirt si Dave sa aparador nito sa kuwarto. Pagbalik sa salas ay iniabot niya ang t-shirt kay Dave

“O eto hiramin mo muna.”

Abante Hiring – IT dep

“Salamat.”

Hinubad ni Dave ang basang damit. Napatitig si Julia sa katawan nito. Napakaganda kasi ng katawan ni Dave. Maputi, makinis at may abs!

“O kung makatingin ka parang gusto mo akong yakapin ah!” biro ni Dave.

“Sira, bakit kasi bigla kang naghubad, teka nga ititimpla muna kita ng kape.” Iwas ng dalaga.

Pagbalik ni Julia mula sa kusina ay dala na nito ang isang tasa ng kape.

“Nanonood ka pala ng teleserye ko.” Si Dave.

“Oo…”

“Sila nanay nga pala at si Lola Bettina?”

“Maagang nakatulog si nanay, pagod kasi sa paglalako ng Bananacue sa palengke, si lola naman talagang maagang matulog… si kuya nasa trabaho pa…”

Saglit na katahimikan ang namagitan sa kanila. Si Dave ang bumasag niyon.

“Julia… ‘yung sinabi ng kuya mo, hindi ka naman seryoso du’n diba?”

“Ano ka ba naman Dave, sa tingin mo ba mag-aaksaya ng panahon si kuya Jake na puntahan ka para lang ihatid sa’yo ang isang biro o hindi seryosong bagay?”

“So, desidido ka talagang kalimutan ako?”

Hindi nakaimik si Julia. Hindi siya makatingin sa mga mata ng binata dahil natatakot siyang ipagkanulo siya ng sariling mga mata. Baka mabasa nito sa mga mata niya na tumututol ang puso niya sa mga nais niyang sabihin dito.

“Hindi mo ba naiintindihan na magkaiba na ang mundong ginagalawan natin? Kapag hindi ka lumayo sa’kin, baka hindi na rin ako makapagtinda sa kalye, kasi aabangan ako ng mga reporters… baka batuhin ako ng mga fans n’yo ni Melody… ang dami ko na ngang bashers kaya hindi na’ko nag-oonline eh… marami ng nagbago Dave… at hindi natin mapipigilan ang mga mangyayari pa kapag hindi natin pinigilan ang mga puso natin…”

Napapitlag ang puso ni Dave sa sinabi ng ­dalaga sa huli.

“Kapag hindi natin pinigilan ang mga puso natin? Ibig sabihin may nararamdaman ka rin sa’kin, mahal mo rin ako diba?”

Hindi makasagot ang dalaga. Nadulas ba siya ng salita?

“Julia, kung pareho naman tayo ng nararamdaman, hindi natin kailangang talikuran ang isa’t isa, gagawa ako ng paraan para hindi nila magulo ang buhay mo, para hindi ka nila mapakialaman!” may pagsusumamo sa tinig ni Dave.

Hinawakan ni Dave ang mga kamay ni Julia.

“Mahal kita… kung hihilingin mo sa’kin na talikuran ko ang showbiz, gagawin ko para sa’yo…”

Nabigla si Julia sa sinabi nito.

“Hindi Dave, hindi mo gagawin ‘yan, matagal mong pinangarap ‘yan kaya hindi mo isasakri­pisyo ang katuparan ng pangarap mo para sa’kin…”

“Kung gano’n, hayaan mo akong mahalin ka sa paraang kaya ko…”

Related Posts

“Wag na nating pahirapan ang isa’t isa Dave… makakalimutan mo rin ako… at kung hindi man mangyari ‘yon, hintayin na lang natin na magdesisyon ang tadhana para sa atin… kung tayo pa rin sa huli… tayo pa rin at walang makakapagbago no’n…”

Unti-unting binitiwan ni Dave ang mga kamay ni Julia.

“Julia, iyan na ba talaga ang desisyon mo?”

Yumuko ang dalaga bago marahang tumango.

Hinubad ni Dave ang t-shirt na hiniram at mu­ ling isinuot ang basang t-shirt niya. Isinuot ang kapote at saka bagsak ang balikat na lumabas ng bahay nila Julia.

Ni hindi na nito nagalaw ang itinimplang kape ng dalaga. Habang naglalakad si Dave sa ulanan palayo ay para namang pinipiga ang puso ng dalaga.

Tila nais pagsisihan ang ginawang pasya. Gusto niyang habulin ang binata at bawiin ang sinabi rito. Gusto niyang ipagsigawan sa buong mundo na mahal rin niya ito.

Pero sa kabila ng pagnanais na ito ng puso niya ay nanatili siyang nakatayo sa pintuan at inihahatid ng tanaw ang binata hanggang sa tuluyan itong mawala sa pani­ngin niya. Hindi na niya napigilan ang pagdaloy ng luha sa mga mata.

Bakit sa kabila ng pag-iwas niyang magmahal ay naranasan pa rin niya ang sakit sa damdaming kinatatakutan niya? Bakit siya nasasaktan ng ganito? Hindi ba talaga napipigilan ang pag-ibig?

“Hoy bestfriend! nandito ka ba o nasa planet mars?” sabay pitik ni Carlo sa hinlalaki niya para kunin ang atensyon ng dalaga.

Magkasama silang kumakain sa isang fast food.

“H-ha?”

“Sabi ko na nga ba hindi ka nakikinig sa sinasabi ko eh!”

“Sorry okay sige makikinig na’ko…”

“Okay, iiklian ko na lang ha, okay na lahat ang dokumento ko at plantsado na lahat para sa pag­lipad ko sa Singapore, at ready na rin akong gampanan ang trabaho ko do’n bilang waiter!”

“Congrats! Kaya pala tinreat mo’ko ngayon!”

“Oo kaya pwede ba, akin muna ang attention mo, kalimutan mo muna si Dave kahit saglit?” biro ng binata.

“Sira, i-order mo pa’ko, gusto ko rin ng ice cream!”

“Dave! Dave!” niyugyog ni Mrs. Castillo ang anak. Nakapang-alis na ito habang balot naman ng kumot ang anak.

“Ma, ano ba inaantok pa’ko…”

“Inaantok? Dave may taping kayo ngayon, you’re late na kaya bumangon ka na diyan!”
“Inaantok pa’ko eh…”

Natigilan si Divina nang mahipo ang noo ng anak.

“Oh no, mainit ka, saan ka ba kasi nanggaling kagabi, umuwi ka ng basang-basa, sinasabi ko na nga ba at lalagnatin ka eh!”

Hindi umimik si Dave.

“Tatawagan ko si Dra. Melendez para punta­han ka rito, i-text mo na lang ako kung anong ­sasabihin, I have to go, may meeting pa’ko sa ­office.” Pagkasabi niyon ay lumabas na ng kuwarto si Divina.

Nanatiling nakahiga si Dave. Wala siyang paki­alam kung apuyin man siya ng lagnat, ang inaalala niya ay si Julia. Bakit ba napakailap nito sa kanya… bakit ba ayaw siya nitong bigyan ng pagkakataon… bakit ba natatakot ito sa mga tao sa pali­gid nila…

“Julia… Julia…” mahihinang bigkas ni Dave sa pangalan ng dalaga. Hanggang sa muli siyang nakatulog.  (Itutuloy)