Una sa Balita

Dream Love

By
0 346

Ika-17 na labas

“Dave!” si Jake. Pinuntahan nito ang binata sa studio at naabutan niya itong pasakay ng kotse sa parking lot.

“K-kuya Jake?”

Nilapitan ni Jake si Dave .

“Nandito ako para sa kapatid ko… at isang beses lang ako makikiusap sa’yo… iwasan mo na muna siya, ayaw niya ng magulong mundong pinasok mo at ganoon din kami…”

“Pero…”

“Dave, alam kong pinangarap mo ‘yan, ngayon nandiyan ka na, marami kang makikilala at magugustuhan, kaya sana tanggapin mo na lang na magkaiba na ang mundo niyo ni Julia.”

“Mahal ko si Julia kuya Jake, kaya hindi ako makakapangako sa’yo na makakaya kong talikuran siya…”

“Dahil sa pagmamahal mo magugulo siya, hindi siya titigilan ng mga fans niyo ni Melody at malaki ang posibilidad na mawalan ka ng magandang career… handa mo bang tanggapin lahat ‘yon dahil lang sa pagmamahal na sinasabi mo? At saka sinabi na ba niyang mahal ka rin niya?”

Hindi makasagot si Dave. May punto si Jake pero hindi siya sigurado kung mapagbibigyan ng puso niya ang kahilingan nitong layuan si Julia.

Gabi. Nakaupo si Julia sa bubungan na tambayan nilang magkapatid. Kadarating lang ni Jake nang lapitan siya nito at tabihan.

“Napuntahan ko na siya… nagawa ko na ang gusto mong gawin ko…” si Jake.

Nanatiling nakatingin si Julia sa malayo.

“A-anong sabi niya?…”

“Syempre ayaw niyang pumayag… mahal ka raw niya…” napapabuntong hiningang kuwento ni Jake.

“Kuya… tama ba ang desisyon ko?”

“Hindi ko alam… naalala ko tuloy kapag may binabasted kang nanliligaw sa’yo tulad ni Jepoy, ni Macmac, ni Roldan at kung sinu-sino pang nakalimutan ko na ang mga pangalan, ni minsan hindi mo tinanong sa’kin kung tama ba ang desisyon mo, pero etong si Dave, mukhang nagdadalawang isip ka, gusto mo rin siya no?”

Napatingin si Julia sa kapatid pero agad din niyang binawi dahil hindi siya makatingin ng diretso sa mga mata nito.

“Sabi ko na nga ba…” nailing na ani Jake.

“Sige na nga, aaminin ko na… medyo gusto ko rin siya… pero ang hirap eh…”

Related Posts

“Dahil natatakot kang magmahal sa isang sikat o takot ka lang talagang masaktan kahit ordinaryo lang siya?”

“Pareho…”

“Okay, ito na lang ang masasabi ko sis, wala ng sasarap pa sa pakiramdam na nagmamahal ka… Oo masasaktan ka, pero iyon ang nagpapatamis pa lalo ng pagmamahalan… kaya kung hindi mo susubukan, kung anuman ang nararamdaman mo ngayon na kalungkutan, mararamdaman mo ‘yan habambuhay, dahil hindi mo binigyan ng pagkakataon ang sarili mo na magmahal at maging masaya…”

“Grabe ka naman kuya, ikaw ba umaasa pa na babalik sa’yo si Candy at sasabihing ikaw pala ang mahal niya?”

Bago sumagot ay inakbayan ni Jake si Julia.

“Hindi na… pero umaasa pa’ko na meron dara­ting sa buhay ko na mas higit sa kanya at magmamahal sa’kin ng totoo…”

Napangiti si Julia sa sinabi ng kapatid.

Sa mga interviews, ipinahayag ni Dave kung ano ang inaasahan ng mga fans. Sinabi niya na kaibigan lang niya si Julia bagama’t espesyal ito sa kanya. Iba naman daw ang sa kanila ni Melody na napalapit na rin sa kanya dahil sa madalas nilang pagsasama sa mga proyekto. Pero sa career muna raw siya magko-concentrate bago ang lovelife.

Kuntento naman si Julia sa mga naging pahayag ni Dave dahil naiintindihan niya ito. Pero habang pinapanood niya ito sa television ay tila lalong lumalaki ang puwang nito sa puso niya.

Hanggang isang gabi na malakas ang ulan, kasalukuyan siyang nanonood ng teleserye nito nang sunud-sunod na katok ang magpalingon sa kanya sa pintuan. Lumapit siya sa pinto at binuksan ito.

“DAVE!” gulat na gulat ang dalaga nang makita ang binata na nakakapote pero basa na rin sa sobrang lakas ng ulan. Pinapasok niya ito.

“Anong ginagawa mo rito?”

“Ano pa, e ‘di dinadalaw ka, sinamantala ko lang na malakas ang ulan para walang makasunod sa’kin na paparazzi!”

“Nag-usap na kayo ni kuya ‘di ba?”

“Oo, pero tayo hindi pa.”

“Wala naman tayong dapat pag-usapan pa…”

“Meron…”

Pinaupo ni Julia ang binata.

“Gusto mo bang magpalit muna ng damit at magkape?”

“Kung pwede sana?” (Itutuloy)