Una sa Balita

Dream Love

By
0 336

Ika-16 na labas

“Tsinetsek lang kita, mas mabuti siguro kung magpatingin ka sa doctor, gusto mo samahan kita?”

“Hindi na no, mukhang okay na naman ang pakiramdam ko eh.”

“Talaga? kasi nandito na’ko?”

Natawa si Julia. Kahit makulit ang binata ay hindi niya maikakaila na naaaliw siya sa pakikipagkuwentuhan dito. Kahit pa sa gitna ng pagkukuwentuhan nila ay hinihiritan siya nito ng mga korning jokes. Ang kuwartong iyon ay napuno ng mga tawanan at mga damdaming punumpuno ng pag-ibig sa isa’t isa bagama’t hindi pa ito ganap na naipapahayag. Sapat na ang pangungusap ng mga mata para makadama ang puso ng pag-asa.

Very inspired si Dave ng mga sumunod na araw kahit hindi pa siya sinasagot ni Julia. Ang isipin kasi na maganda ang samahang namamagitan sa kanila, hindi pa man sila official na mag-on ay sapat na para maging positibo ang pagtingin ni Dave sa kanyang lovelife. Regular niya itong tinetext at tinatawagan. Active rin ang komunikasyon nila sa internet. At paminsan-minsan ay palihim niyang pinupuntahan ang dalaga para personal itong makita at makausap.

Hanggang isang araw ay nagulantang na lang si Julia nang dagsain siya ng mga reporter sa bahay nila. Natatarantang nagsara siya ng pinto at ini-lock iyon bago pa man siya ma-korner ng mga ito. Pero mula sa labas ay dinig niya ang mga katanungan ng mga ito na ibinabato sa kanya.

“Ikaw ba si Julia Reyes?”

“Totoo bang ikaw ang girlfriend ni David Josh at hindi si Melody?”

“Please Miss Julia, pagbigyan mo sana kaming ma-interview ka kahit sandali lang!”

Nilapitan ni Aling Osang ang anak na nakasandal sa nakasarang pinto.

“Anak, hindi mo sila kailangang harapin, kapag nagsalita ka ng kahit ano, lalaki ang isyu at maaapektuhan ang career ni Dave…”

“Paano ba kasi nila nalaman ang tungkol sa’kin… saka hindi ko naman boyfriend si Dave…”

Related Posts

“Maraming paraan para mahalungkat ang itinatago ng isang artista… o malay mo may nakakilala kay Dave sa pagpunta-punta niya rito nang palihim!”

“Nay mabuti pa po siguro putulin ko na ang pakikipagkaibigan ko kay Dave…”

“Bago mo gawin ‘yan pag-isipan mo munang mabuti at kausapin mo siya…”

Pinuntahan ni Melody si Dave sa dressing room nito at kinausap.

“DJ, alam kong on cam lang ang love team natin, pero sana alam mo rin na maraming umaasa na tayong dalawa maging sa off cam, kaya please ‘wag mong sirain ang career natin dahil lang sa isang babae.”

“Ano bang sinasabi mo?”

“Hindi mo ba napanood sa balita? Pinuntahan ng mga reporters ang bahay ng girlfriend mo raw sa isang squatter’s area! Kaya ngayon ang daming negative write ups tungkol do’n!”

“WHAT?” hindi sa career nag-alala si Dave kundi kay Julia. Agad niyang tinawagan ang dalaga.

“Hello, Julia, okay ka lang ba?”

Nakapameywang si Melody habang pinapakinggan si Dave sa pakikipag-usap nito sa cellphone.

“’Wag kang mag-alala, aayusin ko ‘to!”

Matapos makausap si Julia sa phone ay nagpaalam na si Dave kay Melody.

“Wait, where are you going?” habol ng dalaga. Pero ni hindi na siya nilingon ng binata (Itutuloy)