Una sa Balita

Dream Love

By
0 343

Ika-13 na labas

“Kung anong sa’yo iyon na lang din ang sa’kin.”

“Sure ka ha.”

Habang hinihintay ang order nila ay hindi binigyan ng puwang ni Dave ang dull moment sa pagitan nila.

“Alam mo Julia excited na’ko sa mga darating na araw, kasi bukod sa natutupad ko na ang pangarap ko e mapapatunayan ko pa sa mga parents ko na tama ang naging desisyon ko.”

“Mabuti naman kung gano’n, siguro ito na rin yung magiging way para maintindihan ka nila.”

“Sana nga, at alam mo ba kung ano yung isa pang nagpapasaya sa’kin?”

“Ano naman?”

“Hindi pala ano, sino…e di sino pa, ikaw, sobrang happy ako kasi kasama kita sa pagtupad sa pangarap ko, feeling blessed talaga ko dahil nandito ka sa tabi ko.”

Isang matamis na ngiti lang ang itinugon ni Julia sa sinabi ni Dave. Hindi kasi siya sigurado kung kaya pa niyang manatili sa tabi ng binata. Balak kasi niyang dumistansya na rito.

Matapos kumain sa restaurant ay inihatid na ni Dave si Julia. Huminto sila sa pintuan ng bahay ng huli.

“Julia, salamat sa pagsama mo sa’kin ha.”

“Salamat din sa pag-invite mo saka pag-treat mo sa restaurant.”

“Sana kasama pa rin kita sa mga susunod kong events.”

Ngumiti lang ang dalaga.

“Sige na, umuwi ka na, para makapagpahinga ka na rin.”

Nang biglang bumukas ang pintuan at bumungad si Aling Osang.

“O nandito na pala kayo. Julia bakit hindi mo muna papasukin si Dave, nagluto ako ng maruya!”

“Talaga po ‘nay? Paborito ko po ang maruya!” si Dave na hindi na hinintay pa ang sasabihin ni Julia at sumunod na agad kay Aling Osang papasok sa loob.

Hinainan ni Aling Osang ng maruya ang dalawa na nakaupo sa sofa.

“Napanood kita kanina Dave, ang galing mong kumanta!”

Napangiti pero napakunot rin ang noo ni Dave.

“Nanay Osang sumayaw po ako hindi ako kumanta!”

“Joke lang, ikaw naman hindi na mabiro!”

“Alam ko naman pong nagjo-joke lang kayo kasi sabi po ni Julia nagtext daw kayo kanina, at ang sabi nyo po nag-brown-out dito kaya sigurado pong hindi nyo napanood ang napakagaling kong performance!”

“Ay oo nga pala, buti na nga lang at nagkailaw nab ago kayo dumating, o siya sige, maiwan ko muna kayo diyan.”

Na-concious si Dave nang mapansing pinapanood lang ni Julia ang pagkain niya ng maruya.

“O, bakit ako lang ang kumakain, busog ka ba?”

“Busog pa’ko eh.”

“Alam mo, eto tikman mo kahit busog ka hindi mo matatanggihan ang lasa nito.” Inilapit ni Dave sa bibig ni Julia ang maruya na kinagatan na niya. Pero umiwas ang dalaga.

“Sige na please, isa lang!”

“Ayoko nga.”

“Try mo lang.”

“Ayoko.”

“Sige pag di ka tumikim, hindi ko na rin uubusin ‘to!”

“Aba at nanakot ka pa ha! o sige na nga, isa lang ha!”

Sa aktong kakagatin na ni Julia ang maruyang hawak ni Dave nang biglang bumungad sa pintuan ang kuya Jake niya. Napatayo agad ang dalaga. Tumayo rin si Dave.

“Kuya, siya si Dave!… Dave ang kuya Jake ko!” pakilala ni Julia sa dalawa.

“Okay…” pagkasabi niyon ay nilampasan na sila ng binata.

“Pasensya ka na Dave, bitter pa rin siguro siya hanggang ngayon…” halos pabulong na sabi ng dalaga.

Maghapon nang magkasama ay magka-chat pa pagdating ng gabi sina Julia at Dave. Isang boquet ng red roses ang isinend ni Dave sa fb ng dalaga. Nakatanggap ito ng maraming comments na puro positive lahat at kinikilig sa naaamoy na romance sa pagitan nila.Maging si carlo ay nag-comment rin. Agad itong nag-pm sa kanya.

“Bastfriend, sa ayaw at sa gusto mo kailangan mong i-share sa’kin ang status nyo ng mokong na ‘yan.”

“Friends lang kami.”

“Old style na ‘yan bestfriend! Gusto kong sagot yung galing sa puso mo.”

Saglit na natahimik si Julia. Nag-isip bago sagutin si Carlo.

“Hindi naman pwedeng maging kami…lalo na kapag sumikat na siya…”

“Yun ‘yon eh! E kung hindi siya nag-artista may pag-asa ba siya sa’yo?”

“Hindi ko alam…”

Thumbs down ang isinagot ni Carlo.

“Anong ibig sabihin niyan?”

“Ibig sabihin hindi ako naniniwala sa’yo, gusto mo rin siya diba?”

“Hindi ko nga alam…”

“Huwag kang matakot magmahal Lia, kahit sino pa man siya, kahit ano pa man ang katayuan niya sa buhay, kasi ang magmahal ang pinakamasarap na pakiramdam!”

“Gusto mo ba siya para sa’kin?”

“Gusto ko kung sinuman ang gustuhin ng puso mo, ‘wag lang sa adik!”

Napangiti si Julia. Hindi man siya direktang umamin sa kaibigan, alam niya na alam na rin nito ang tunay na nilalaman ng puso niya…pero ano nga ba ang nilalaman ng puso niya? Nasa puso na ba talaga niya si Dave?

“JULIA!” sigaw ni Dave na sakay ng bisikleta. Huminto ito sa tapat ng dalaga na nagbebenta ng Banana cue sa isang ale sa loob ng subdivision.

“Sukili nyo po, salamat, sa uulitin!” ani Julia sa bumili.

“Julia, bakit hindi ka nag-reply kanina?”

“Dave magka-chat lang tayo kagabi, kailangan ba lahat ng text mo replayan ko?”
“Sorry pero… na-miss agad kasi kita…”

Nagsimulang maglakad ang dalaga. Sinusundan lang siya ng bike ni Dave.
“Na-miss? ‘wag ka ngang OA.”

“Kung OA ang tawag mo run, okay lang, e sa ‘yon talaga ang nararamdaman ko eh.”

Sasagot pa sana si Julia nang biglang maglapitan sa kanila ang isang grupo ng mga babae.

“DJ pa-autograph naman!” sabi ng isang babae.

“Ang gwapo mo talaga David Josh lalo na sa personal!” sabi naman ng isa pa.
“Sabi ko na nga ba tagarito ka eh!” singit pa ng isa.

Habang pinagkakaguluhan si Dave ng mga dalagita ay dumistansya na si Julia.

“Julia wait!” tawag ni Dave na minamadali ang pagpirma.

Nagkatinginan naman ang mga babae at halatang na-insecure ang mga ito sa dalagang tindera ng Bananacue.

“DJ ano mo siya?” nangahas itanong ng isa sa mga babae. (Itutuloy)