Una sa Balita

Dream Love

By
0 342

Ika-12 na labas

Nagpasama si Julia sa mga kaibigang sina Laila at Gemma sa pagbili ng damit na isusuot niya sa launching ng show nila Dave.

“Juls, kailangan ba talaga dito tayo sa UK bumili, marami namang sales sa mall ah!” reklamo ni Laila.

“Pero mas mura pa rin dito, at saka dito sa Divisoria marami tayong pwedeng pagpilian!”

“Oo nga naman Lai, tama si Julia kahit anong sabihin mo mas makakamura tayo dito, kailangan lang talaga nating piliin ang best na mabibili natin!” sang-ayon ni Gemma.

“Okay fine, siya nga pala Julia, kumusta naman ang bestfriend mong si Carlo?”

“Busy siya sa pag-aasikaso ng mga papeles niya eh, hindi pa rin siya sumusuko sa pangarap niyang makapagtrabaho abroad.”

“Good for him.”

“E itong si Dave kumusta naman sa puso mo?” tanong din ni Gemma.

“Tulad pa rin ng lagi kong sinasabi sa inyo, kaibigan ko pa rin siya.”

Kibit balikat na nagkatinginan na lang ang mga kaibigan ni Julia. Parehong hindi naniniwala sa sinabi ng dalaga.

Hindi mapalagay si Dave. Sa kagustuhan niyang masiguro na pupunta ang dalaga sa event nila ay pinuntahan na niya ito sa bahay para sunduin.

Sakto namang pagbungad ni Dave sa pintuan nila Julia ay siyang labas naman ng dalaga mula sa kuwarto suot ang nabiling damit. Isang simpleng dress na kulay peach. Bumagay ito sa balingkinitang katawan ng dalaga at hanggang balikat na buhok. Hindi maiwasan ni Dave ang lalong humanga rito. Para siyang nakakita ng anghel.

“DAVE! Anong ginagawa mo rito?”

“H-ha?”

“Ang sabi ko anong ginagawa mo rito, bakit ka nandito? ‘di ba dapat nandoon ka na?”
“Gusto kasi kitang isabay.”

Pumagitan sa kanila si Aling Osang.

“Dave nandito ka na rin lang sabayan mo na sa pagkain si Julia bago kayo umalis.”

“Sure po, thanks!”

“Sigurado ka ba Dave, baka ma-late ka niyan!”

“Nanay Osang, ayaw po yata akong pakainin dito ni Julia e, o!” sumbong ng binata.

“Sira ka talaga, inaalala ko lang ‘yung schedule mo, saka kailan mo pa naging nanay ang nanay ko?”

“Simula ngayon, ‘di ba po nanay Osang?”

Nakangiting tumango si Aling Osang.

Habang magkasalo sa almusal ay hindi maintindihan ni Julia kung bakit parang naiilang siya sa binata. Lalo na nang pagsilbihan siya nito sa pagkain. Ito pa mismo ang naglagay ng palaman na peanut butter sa tinapay niya at nag-abot sa kanya.

“Dave kaya kong kumain nang mag-isa.”

“Pasensya na, sweet lang!”

Kunot-noong napangiti ang dalaga sa sinabi nito.

Pagdating nila sa studio ay late na si Dave ng 10 minutes kaya sinalubong na ito sa lobby pa lang ng tumatayong manager na si Buddy, isang gay.

“OMG DAVE! BAKIT NGAYON KA LANG?”

“Sorry Madam Buddy, traffic eh!”

“Lumang tugtugin na ‘yan! Anyway, go ka na sa dressing room, teka sino ‘to ha?” baling ng bading kay Julia.

“Wala akong family e, busy sina mama at papa kaya isinama ko na lang ang special girl ko para may manood naman sa’kin!”

Hinila ni Buddy si Dave palayo ng konti kay Julia.

“Dave, ikaw na si David Josh ngayon, paano ka titilian ng mga possible fans mo kung may nakaharang na babae sa kanila?”

“Ha? Pero…”

“Sa industriyang pinasok mo walang pero pero, dapat lahat sigurado, tapatin mo nga ako, jowa mo ba ‘yan?”

“L-liligawan pa lang…”

“What? Hindi ko papayagan ‘yan Dave, alam mo na dapat ang do’s and don’ts sa show business, you have to be very very careful  dahil nag-uumpisa ka pa lang.”

Hindi man naririnig ang pinag-uusapan ng dalawa ay alam ni Julia na siya ang pinag-uusapan ng mga ito at mukhang hindi maganda iyon. Nauna nang pumasok sa loob si Buddy at binalikan naman siya ni Dave.

“Julia pasensya ka na sa baklang ‘yon ha, tara na sa loob!”

Habang pinapanood ni Julia si Dave sa pagpe-perform nito nang live ay lalong tumitibay ang paniniyak niya sa sariling hindi na siya dapat ma-inlove dito.

Sa paglinga niya sa paligid ay nakita n’ya kung paano ito tilian ng mga fans, kung gaano kagaganda ang mga babaeng nandoon na kapwa na nito artista at kung gaano kataas ang level ng mga tao sa likod ng programang iyon. Hindi siya nababagay sa ganitong mundo. Sa mundo na pinangarap ni Dave at natupad nitong marating, hindi kailanman siya babagay rito.

Matapos ang show ay inaya ni Dave si Julia sa isang restaurant na malapit lang doon.

“O ano Julia, nag-enjoy ka ba?”

“Oo naman, ang galing mo ngang sumayaw e…”

“Naks naman, thanks, anong gusto mong orderin?”

Iniabot ni Dave ang menu kay Julia. Sa totoo lang hindi pamilyar sa dalaga ang mga nakasulat doon kaya hinayaan na lang niya si Dave na pumili ng pagkain. (Itutuloy)