Una sa Balita

Dream Love

By
0 344

Ika-11 na labas

“O bakit, nakakagulat ba ang sinabi ko?”

“Oo naman.”

“Maganda ka, mabait, simple, imposible bang magustuhan kita?”

“Dave, ayoko ng ganyang usapan.” Seryoso ang mukha ni Julia.

“O sige na nga joke lang…” deep inside ay hindi talaga nagbibiro si Dave.

Hindi kumibo ang dalaga. Nagpatuloy lang ito sa paglakad.

“Uy nawalan ka na ng kibo diyan, joke lang ‘yon.” May pag-aalala sa tinig ni Dave dahil sa hindi pag-imik ng dalaga.

Sinubukang kilitiin ni Dave sa beywang si Julia.

“Tatawa na ‘yan!”

“Ano ba!” inis na saway ng dalaga.

Inulit ni Dave ang ginawa.

“Isa! Hindi ka ba titigil?”

Muling huminto sa paglalakad si Julia.

“Hindi hangga’t hindi ko ulit nakikita ang smile mo!” pangungulit ng binata.
“Tumigil ka na nga!” napipikong sabi ng dalaga.

“O sige na nga, titigil na, baka lalo ka pang magalit. Magtatanong na lang ako.”
“Ano na naman?”

“Na naman? Isang tanong lang naman eh, kung nagka-boyfriend ka na?”

“Hindi pa. At kung may plano kang ligawan ako, ngayon pa lang bina-basted na kita, kasi wala sa plano ko ang mag-boyfriend, ayoko ng sakit ng ulo, ayoko ng heartache!”

Si Dave naman ang natigilan sa sinabi ni Julia.

Nagsimula na ang career ni Dave bilang baguhang artista. At nagsimula na rin siyang mahulog nang husto kay Julia.

Gabi. Kailangan niyang matulog ng maaga dahil maaga ang rehearsal nila para sa sisimulang reality show sa t.v. pero hindi siya makatulog. Laman ng isip niya si Julia.

Nakatatak sa utak niya ang maamong mukha ng dalaga. Kung paano kumibo ang mapupulang mga labi nito na hindi nangangailangan ng lipstick, kung paano lumaki ang butas ng ilong kapag naiinis sa kanya, at  kung paano mangusap ang maningning na mga mata nito.

Sa kabilang dako ay hindi pa rin dinadalaw ng antok si Julia. Naiisip din niya si Dave. Ang maamong mukha nito, ang malambing na pagsasalita at ang nakakakilig na pagtitig nito sa kanya.

“Nakakakilig?” napabalikwas ng bangon si Julia.

“Erase, erase, erase, hindi ka dapat makaramdam ng kilig Julia, hindi dapat!” sa isip ng dalaga.

Naalimpungatan ang kuya niya na nasa itaas na deck.

“Sis, nanaginip ka ba ng masama?” nag-aalalang tanong nito na inilawit pa ang ulo para silipin siya sa ibabang deck.

“Hindi kuya, sige matulog ka na.”

Sa isip ng dalaga, siguradong babangungutin siya kapag hindi pa niya tinigilan ang kakaisip kay Dave. Hindi siya pwedeng mahulog dito. Lalo pa ngayon na natutupad na nito ang pangarap, siguradong maraming magkakagusto rito na mas maganda sa kanya at sigurado rin na maraming makikilala si Dave na mas higit sa kanya. Kaya ngayon pa lang ay dapat na niyang putulin ang ilusyon niya.

Kinabukasan.

Nagulat si Julia nang iabot sa kanya ni Aling Osang ang isang boquet ng bulaklak at isang ticket.

“Ano po ‘to ‘nay?”

“Ano ‘yan? Malamang bulaklak at isang ticket.”

“Nay naman eh, ang ibig ko pong sabihin…” hindi na naituloy ni Julia ang sasabihin nang mabasa ang nakalagay sa card na kasama ng bulaklak.

Galing iyon kay Dave. Isang imbitasyon para manood siya ng launching ng show nito sa isang network.

“Mag-iimbita lang kailangan pa talagang magpadala ng bulaklak?”

“Correction, hindi ‘yan pinadala, siya mismo ang nagdala niyan dito kanina, kaso nga lang tulog ka pa kaya umalis na siya, pero aasahan daw niya na darating ka.”

“Hay pag-ibig…” singit ni lola Bettina na nakaupo sa sofa at nakatutok ang mga mata sa television.

“Lola, hindi ho ako umiibig.” Pagkokorek ng dalaga.

“Sino bang may sabing umiibig ka, sabi ko hay pag-ibig, kasi itong pinapanood kong pelikula aba’y nagpapakipot pa ang babae, inlab din naman pala doon sa bidang lalaki!”

Nagkatinginan sina Julia at Aling Osang.

Tinext ni Julia si Dave at nagpasalamat rito. Agad namang nag-reply ang binata at tiniyak kung makakarating ang dalaga, pero hindi na nag-reply si Julia. (Itutuloy)