Una sa Balita

Dream Love

By
0 343

Ika-10 na labas

“Ganyan ka ba magdala ng problema?”

“Ano ka ba, marami pang mas malalang problema kaysa sa kuya mo, kaya dapat chill lang!”

Muling napangiti si Julia sa sinabi ni Dave. Napakapositibo nito kahit pa meron ding sariling sama ng loob na dinadala.

“Pero yung nabanggit mo kanina tungkol sa mama mo, parang imposible namang wala siyang pakialam sa’yo, baka may iba lang siyang paraan.”

Hindi pinansin ni Dave ang sinabi ni Julia tungkol sa mama niya. Sa halip ay tinitigan niya ito at inangguluhan ang mukha.

“Hoy, anong ginagawa mo?” kunot-noong tanong ni Julia.

“Kasi, alam mo may character ‘yang mukha mo, ang sarap tingnan, bakit hindi ka na lang mag-artista?”

“Ano? Itutulad mo ko sa’yo, hindi ako kasing tibay mo, baka pag hindi ako natanggap maglupasay ako sa daan!” nakangiting biro ng dalaga.

Patuloy na kinumbinsi ni Dave si Julia pero wala talaga sa bokabularyo ni Julia ang pag-aartista kahit pa marami ngang nagagandahan sa kanya.

Pag-uwi sa bahay ay nadatnan na ni Julia ang kuya niya na nanonood ng t.v.

“Kuya, hindi ka ba pumasok?”

“Wala ako sa mood magtrabaho eh.”

“Ewan ko ba diyan sa kuya mo, yung iba kapag na-broken hearted sinusubsob ang sarili sa trabaho, siya naman walang gana magtrabaho.” Ani aling Osang mula sa kusina na narinig ang usapan nila.

“Okay lang ‘yon nay, at least makakapagpahinga naman si kuya, kasi nitong mga nakaraang araw palagi naman siyang overtime.”

Nilapitan sila ng ina.

“Alam nyo mga anak, may kanya-kanya talaga tayo ng paraan nang paghihilom ng sugat, hahayaan kita Jake sa paraang gusto mo, basta ‘wag mo lang pababayaan ang sarili mo. “
“Opo nay…” mahinang sagot ni Jake na ang mga mata ay nanatiling nakatutok sa t.v.

Wednesday.

Handang-handa na si Dave sa pagpunta niya sa studio. Ilang ulit niyang pinagwapo at tinitigan ang sarili sa salamin hanggang sa makuntento siya.

Paglabas niya ng bahay ay natigilan siya at napahinto sa paghakbang.

Natigilan rin si Julia na nasa harapan ng gate bitbit ang isang plastic ng Banana cue at balak pa lang sanang mag-doorbell. Hindi napigilan ng dalaga ang humanga sa kaguwapuhang nakatambad sa kanya. Ang linis-linis tingnan ni Dave sa white polo shirt nito at napaka-neat din tingnan ng maaliwalas na mukha nito. Saglit siyang napatunganga .
“Julia!”

“D-Dave!”

Nilapitan ni Dave ang dalaga. Binuksan ang gate at pinapasok ito.

“Idadaan ko lang sana sa’yo ‘tong Banana cue, kasi naalala mo may utang ako sa’yo, pero paalis ka pala.”

“Ano ka ba naman, iniisip mo pa rin ba ‘yung 300?”

“W-wala pa kasi akong pera na maibabayad sa’yo kaya sana tanggapin mo muna ‘to…”
Kinuha ni Dave ang Banana cue.

“Okay tatanggapin ko ‘to, pero wag mo nang isipin pa yung utang mo, utang na loob!” nakangi­ting sabi ng binata.

“Okay, e teka sa studio ba ang punta mo ngayon?”

“Oo. Wish me luck!”

“Goodluck!”

“Goodluck lang? wala bang kiss luck?” biro ni Dave.

“Sira ka talaga! sige na aalis na’ko baka ma-late ka pa.”

“Wait lang sabay na tayo palabas na rin naman ako eh. Mag-aabang ako ng taxi sa kanto.Ipapasok ko lang ‘to.”

Ipinasok lang ni Dave ang Banana cue sa loob ng bahay at sabay na silang naglakad palabas ng subdivision.

“Seryoso ka talaga na maging artista no?” si Julia.

“Oo naman, bata pa’ko pangarap ko na’to, ngayon abot-kamay ko na!”

“Baka naman pag naging artista ka na, ni autograph hindi na’ko makasingit?”

“Hindi ah, kasi kahit sumikat pa’ko walang makakasingit sa’yo sa puso ko.”

Natigilan si Julia sa sinabi ni Dave. Huminto siya sa paglalakad. Napangiti naman si Dave na huminto rin. (Itutuloy)