Una sa Balita

DPWH-Villar sablay sa rehab, Boracay lubog sa baha

0 469

PINAGPAPALIWANAG ni Senador Francis ‘Kiko’ Pa­ngilinan si Department of Public Works and Highways Secretary Mark Villar kaugnay ng nangyaring pagbaha sa Boracay bunsod ng bagyong Falcon.

Dismayado ang senador dahil sa nangyaring pagbaha sa isla sa kabila ng ilang buwang rehabilitasyon sa pangunguna ng DPWH sa nasabing isla.
Dapat aniyang maglatag agad ng solusyon dito ang DPWH dahil tila sablay ang ginawang drainage system sa Boracay.

“Mas mainam na magpaliwanag kung ano ang dahilan ng pagbabaha at ano ang solusyon ngayon at dahil ang sabi nila kaya nga sinara ang Boracay ng anim na buwan para ayusin ito,” reaksiyon ni Pangi­linan kahapon.

Kahapon, nagkalat sa social media ang mga litrato ng pagbaha sa isla kung saan umabot sa hanggang baywang ang tubig sa kalsada dahil sa pagbuhos ng malakas na ulan bunsod ng bagyong Falcon.

Naiulat na pansamantalang hindi nadaanan ang bahagi ng main road ng Barangay Balabag dahil sa baha.

Sabi ni Catherine Fulgencio, municipal disaster risk reduction officer ng Malay, Aklan, binaha rin ang bahagi ng Barangay Yapak. Samantala umabot hanggang 3 feet ang baha sa ibang lugar sa isla.

Nagmistula ring dagat ang parking area ng Caticlan Jetty Port reclamation area nitong Miyerkoles nang umaga. Tumaas umano ang tubig dahil sa ma­lakas na alon at pag-ulan doon.

Wala pang pahayag si Sec. Villar kung bakit binaha pa rin ang Boracay sa kabila ng ginawang rehabilitasyon ng DPWH. (Dindo Matining)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy