Una sa Balita

DPWH-Villar project na walang abiso nagpabigat ng trapik sa Metro Manila

By
0 182

HINDI na nakakapanibago ang mabagal at mabi­gat na daloy ng trapiko lalo na sa Kalakhang Maynila dahil hindi na ito bago sa mga moto­rista subalit nakakabig­la sa iba lalo na sa ilang lugar ng Metro Manila na isinara na lang nang walang abiso.

Kapansin-pansin umano nitong nakaraang araw ang halos magkakasunod na pagsasara sa ilang tulay at kalsada tulad na lamang ng Ri­verside Drive sa Maynila na isinara nang walang paunang abiso.

Nalaman na lamang na isinara ang naturang lugar nang buksan sa trapiko ang kahabaan ng Magallanes Drive, Solana at Andres Soriano Ave. na dito pinadadaan ang mga pampasaherong mga sasakyan at nagsimula nang magkabuhol-buhol ang trapiko

Layunin ng pagsasara ng daan sa Riverside Drive ay upang bigyang-daan ang gaga­wing tulay sa Mestranza bridge na mag-uugnay sa Binondo, Maynila, na proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Nagulat na lamang ang ilang establisimyento sa lugar na nauna ang pagsasara kaysa sa pagbibigay ng abiso, at hindi ang DPWH ang nagbigay ng abiso kundi ang Intramuros Administration (IA).

Nakasaad sa abiso ng IA na ang Magallanes Drive ay gagawing two-way traffic at no par­king zones. Lahat ng parking ay tatanggapin sa Maes­tranza enclosed area habang inihahanda ang mga traffic sign at signage na ilalagay ng DPWH.
Maglalagay din umano ang MMDA ng mga traffic enforcer sa lugar upang magmando ng mga papasok at pala­bas na mga sasakyan sa Intramuros sa tulong ng Manila Traffic Parking Bureau (MTPB) upang matiyak na ma­ging banayad ang daloy ng trapiko sa loob ng Intramuros.

Samantala bumigat ang daloy ng trapiko ang ilang bahagi ng kalsada sa Sta. Mesa matapos isara nitong nakaraang linggo ang Old Sta. Mesa bridge na nagkokonekta sa San Juan at Maynila.

Dahil tatamaan ang Old Sta. Mesa bridge sa ginagawang skyway na nag-uugnay sa Makati City at Quezon City.

Ayon sa mga motoristang dumadaan sa lugar hindi na nila ikinagulat dahil may paunang abiso ang DPWH isang linggo bago simulan ang proyekto.

Ngunit sa ilang lugar, mukhang nalimutan ang paglagay ng paalala sa publiko. Tuloy hindi nakakapaghanda ang mga motoristang dumadaan sa lugar na apektado ng matinding problema dahil sa pagkakabuhol-buhol ng trapiko.

Isa na rito ang kahabaan ng NAIA Road north bound na may ilang araw nang hinuhukay ng DPWH upang maglagay umano ng drainage at maibsan ang pagbaha sa lugar.

Ngunit bago gawin ang naturang proyekto, ilang UV driver ang nakapanayam ng Abante na sa araw-araw nilang pagdaan ay wala silang nabasa o nakitang paskil bago simulan ang pag­huhukay, nagulat na lamang sila nang bumigat ang trapiko sa kahabaan ng NAIA Road.

Simula nang huka­yin ang lugar, kumakain ito ng halos isang oras na trapik bago makalagpas sa hinuhukay na sobrang perwisyo sa mga pumapasok na estudyante at mga empleyado.

Ayon sa isang insi­der ng DPWH, may pagkakataon na nalilimutan ng kontraktor o ng mga tauhan ng kagawaran ang paglalagay ng abiso o kung meron man ay maliit o nakalagay sa hindi pansining lugar.

Sinikap ng Abante na hingin ang paliwa­nag ni DPWH Sec. Mark Villar subalit hindi ito mahagilap kahapon.