Una sa Balita

DPWH-Villar pinapasagot SA 95M ‘Tongpats’

By
0 1,339

SINITA ng Commission on Audit ang nabistong iregularidad sa mga kontratang pinasok ng tanggapan ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark Villar, partikular ang sobra-­sobrang ibinayad sa mga contractor ng kanilang infrastructure project sa limang rehiyon sa bansa na pumalo sa P95 milyon ang kabuuang halaga.

Sa kanilang 2017 audit report sa DPWH, sinabi ng COA na sumi­rit nang husto ang contract cost sa mga ipinagawa nitong proyekto sa National Capital Region (NCR), Cordillera Administrative Region (CAR), Region IX (Zamboanga Peninsula), Region XI (Davao Region) at Region XIII (Caraga).

Malaki umano ang patong kumpara sa pinahihintulutang gastos sa proyekto.

“The contract costs of various infrastructure projects implemented by the DPWH were found excessive due to cost estimates exceeding the COA allowable costs and inclusion of unnecessary work item,” ayon sa COA.

Upang mabawi ang sobrang pondo na nailabas mula sa kaban ng bayan, inatasan ng COA ang DPWH na pinamumunuan ni Villar, ng anak ng talunang presidential candidate noong 2010 dahil sa ‘Daang Hari scam’, na obligahin ang kanilang mga contractor na i-refund ang sobrang pera na ibina­yad sa kanilang kontrata o ibawas ito sakali man na may masisingil pa sila sa DPWH.

“Require the concerned contractors to refund the excess amount or deduct the same from any money due them, whichever is practicable; otherwise, the same shall be disallowed in audit,” ayon sa COA.

Nais din ng COA na atasan ng DPWH ang mga personnel nito res­ponsable sa preparasyon ng mga proyekto ng kagawaran na sumunod sa DPWH rules, regulations and procedures sa paghahanda ng cost estimates para sa lahat ng infrastructure pro­ject para maiwasan ang ‘excessive approved budget’ para sa mga kontratang pinasok nila.

Ito’y upang maiwasan ang overpayment sa mga contractor para sa kanilang gagawing proyekto katulad ng pagtatayo ng mga paaralan, gusali, tulay, kalsada at mga farm-to-market road.

Layon din nito na maiwasang masimot ng mga mapagsamantalang contractor ang pondo ng bayan na naipagkaloob sa kanila dahil sa kapabayaan.