Una sa Balita

DPWH-Villar binakbakan ni Lacson sa nasasayang na P16B row budget

By
0 556

NAG-INIT ang ulo ni Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at nagbabala na ipatatap­yas ang mahigit sa P16 bilyong pondo ng kagawaran para sa right-of-way (ROW).

Ipinahayag ito ng senador sa pagdinig ng Senate committee on finance sa panukalang P555.67 bilyong 2019 budget ng DPWH na mababa kumpara sa P650.87 bilyong pondo ng kagawaran ngayong taon.

Unang sinita ni Lacson ang Sariaya Bypass Road sa Quezon na pinondohan ng P466.8 milyon subalit subalit sinuspende simula nooong Marso 2016.

Sinabi ni Lacson na malaking problema sa naturang proyekto ang isyu ng ROW kaya kahit natapos na ang konkretong bahagi ng kalsada ay hindi pa rin ito magamit at nasuspende ng mahigit na dalawang taon.

Dahil dito, nanga­ngamba ang senador na mauuwi sa wala ang ­milyong pisong pondong inilaan sa proyekto.

“Anong future ng Sariaya Bypass Road na suspended noon pang March 2016? Hindi ba magiging useless lang ito? 466.8 million gone to waste?” tanong ni Lacson.

Inamin naman ni DPWH Secretary Mark Villar na iba-iba ang kinakaharap nilang problema sa usapin ng ROW subalit ginagawan anya nila ito ng mga paraan.

“Maliwanag ang batas, i-settle niyo muna ang right-of-way ng mga land owners. How do you intend to do justice dito sa mga taong hindi nabayaran ang lupa? Suspended ang project ngayon, paano pa sila aasang mababayaran?” diin pa ni Lacson.

Ipinarating din ng mambabatas ang impormasyon sa DPWH na may ilang may-ari ng lupa sa lugar na binayaran ng contractor ang ROW na nakapagtataka anya dahil dapat mandato ito ng gobyerno.

Pinuna rin ni Lacson ang isinumiteng lista­han ng DPWH ng mga apektadong landowner para sa ROW kung saan may nakalistang ‘Unknown’.

“May nakalistang ‘UKNOWN’ paano niyo babayaran si ‘UKNOWN’?” giit ng senador.
Dumepensa naman si Villar na minsan sa pagtungo nila sa lugar para sa pagbabayad ng ROW ay hindi nila naabutan ang tunay na may-ari kaya nailalagay sa record na ‘John Doe’.

Kinuwestiyon din ng mambabatas ang pinondohang slope protection sa circumferential road ng Labey-Lacamen provincial road sa Benguet na hindi naman nagawa kahit may pondo na.

Gayunman, dahil hindi nagawa ang slope protection, nagkaroon ng landslide at natabunan ang lupa kaya hindi madaanan ang kalsada.

“Kung ‘di magagamit ang kalsada kasi natabunan, taxpayers money ‘yan. ‘Di ba tayo nanghihinayang sa pera ng bayan? Pera natin lahat ‘yan ah,” dagdag ng senador.

Ipinaliwanag naman ng DPWH na nakaprog­rama na ang kanilang slope protection sa Benguet at maging sa iba pang lugar na kailangan ng proteksiyon.

Ang mga proyektong kinuwestiyon ni Lacson sa budget hearing ng Senado ay kasama sa mga pinabura niya sa 2018 Ge­neral Appropriations Act subalit naibalik sa bicameral conference committee.

“(Kung hindi ma-settle ang ROW), papa-delete natin. Noong isang taon ni-restore nila ‘yan. Eh karamihan doon insertion ng mga congressmen,” ani Lacson.