Una sa Balita

Double whammy

By
0 1,061

Numero lang ang lumabas. Sinagot ko tas ito ang unang bigkas: “Masamang-masama ang loob ko mayor. Namatay ang asawa ko at namatay siya mayor sa kandungan ng iba.”

Nanginginig sa galit at poot ang nasa kabilang linya. Umiiyak. Sumisigaw. Halos nagkabuhol-buhol na ang salita kaya ang hirap intindihin.

Para makasabay ako, tinanong ko na lang: “Condolence. Paano ako tutulong?” Sagot niya: “Gusto ko lang ilabas ang sama ng loob ko dahil ginulat ako ng mga pangyayari. Napakasakit mayor. Napakasakit talaga.”

Tinuloy ko ang tanong: Paano ang kanyang labi? Gusto mo bang padala ako ng punerarya para kunin ang katawan? Saan siya ililibing?

Matigas ang sagot niya: “Hindi po. Sa­lamat na lang po. Hindi ko na po pakikialaman. Binigay ko na siya sa pamilyang kabit niya. Bahala na sila.”

Pinutol ko na ang linya. At nakaramdam ako ng lungkot. Nalungkot ako. Kasi ‘yung sama ng loob ng kausap ko ay nangga­ling sa dalawang mabigat na dahilan. ‘Yung nga lang namatay ang asawa niya sobrang bigat na. Dagdagan pa ito ng pagkamatay ng mahal mo at pagtataksil. Parang hindi mo na alam kung malulungkot ka o magagalit ka.

Naisip ko. Ganito ba talaga ang ending ng mga unfaithful na asawa? Baka naman puwede na ring mapatawad sa huling sandali. Bilangin na lang sana ‘yung magandang samahan at pinagsamahan. ‘Wag na ‘yung pangit na nangyari. ‘Wag na iyung pait ng pagtataksil.

Hindi man nakahingi ng tawad, siguro sa muling pagkikita, wala na ‘yung galit. Wala na ‘yung pait. Sa kabilang buhay, wala na ‘yung pagtataksil. Masaya na silang magtatagpo. Para tawanan lahat ng pait na dinaanan nila noong sila ay mag-asawa pa. Kinalimutan ko na ‘yung tagpo at nabaling muli sa trabaho.

Makatatlong araw, tumawag siyang muli para sabihin: “Mayor, daan po kayo sa bahay. Dito na po nakaburol ang asawa ko.”